MANILA, Philippines — Kahit ipinapangako ni presidential candidate Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang pagpapapaspas sa Security of Tenure bill bilang batas kung siya'y mananalo, idiniin niyang hindi niya tatapusin ang kontraktwalisasyon sa lahat ng sektor ng paggawa.
Ganyan ang kanyang inilahad sa "KandidaTalks" na inere ng One PH sa, Lunes, habang problema nang marami ang iskemang "endo" (end of contract) kung saan hindi pinaabot ng anim na buwan ang trabaho ng manggagawa para hindi sila magtamasa ng mga benepisyo ng regular na empleyado.
Related Stories
"Kung sakali man na makaupo ako ay babalikan natin titingnan natin, ayusin natin para — tama nga naman na it applies only to those businesses that are not seasonal," sabi ni Bongbong.
"We have to adjust to reality, at sasabihing, 'Pero bigay natin yung safety ng may pagka hindi seasonal ang trabaho, na merong security yung ating mga empleyado at nakukuha nila 'yung kanilang benepisyo."
Pebrero 2022 lang nang ilutang ni Marcos na gawing priority legislation sa ilalim ng kanyang administrasyon ang security of tenure bill, bagay na matagal nang nakabinbin sa Konggreso.
Dati na ring sinertipikahan bilang "urgent" ni Pangulong Rodrigo Duterte ang security of tenure bill noong 2018, ngunit vineto rin ito noong 2019 dahil sa "sobra-sobrang pagpapalawig sa pakahulugan ng pinagbabawalang labor-only contracting."
"Ang nangyari diyan, meron nang napasang batas to end contractualization ngunit hindi pinirmahan ni Pangulong Duterte dahil may dahilan nga naman na sinabi niya na lahat na lang ng empleyado eh applicable ang batas na yun, ngunit meron naman talaga trabaho na seasonal na hindi naman buong taon, agriculture for example, very simple na example kaya't yun ang naging, kaya't hindi nya pinirmahan," dagdag pa ni Marcos.
Binanggit ito ni BBM kahit na inendorso siya ng labor group na Trade Union Congress of the Philippines para May 2022 elections.
Ibang-iba ang nais na security of tenure bill ni Marcos sa itinutulak ng Makabayan bloc, kung saan ipinapanukala ang pagbabawal sa "lahat ng uri ng kontraktwalisasyon at fixed-term employment."
Marso 2022 lang din nang igiit ng kanyang karibal sa pagkapangulo na si Bise Presidente Leni Robredo na ise-"certify as urgent" niya ang pagbubuwag sa kontraktwalisasyon. Ang kandidatura ni Robredo ay ineendorso naman ng Makabayan bloc, na kaalyado ng militanteng Kilusang Mayo Uno. — James Relativo