MANILA, Philippines — Pag-uusapan daw sa ika-23 ng Marso ng Commission on Elections (Comelec) ang ibang pwedeng ipataw nilang parusa sa mga kandidatong patuloy na umiiwas sa presidential at vice presidential debates — ito matapos mapuna ang aniya'y "mamagagaang" sanctions sa mga umiitsapwera rito.
Ika-8 lang ng Marso nang manawagan ng mas mabigat na parusa si VP candidate Walden Bello laban sa mga namimihasa sa hindi pagdalo sa mga election debates, lalo na't napakagaan daw ng pagba-ban sa kanila sa Comelec e-rallies na "ilang daan lang ang nanunuod."
Related Stories
"Sa Miyerkules, pag-uusapan pa namin ano pa ang pupuwede nating maipatupad na sanction na medyo mas mabigat, na hindi naman nagva-violate sa mga umiiral na batas natin at sa karapatan ng mga kandidato," ani Comelec commissioner George Garcia, Lunes, sa TeleRadyo.
Matatandaang hindi dumalo ang presidential at VP bets ng UniTeam na sina Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio nitong Sabado at Linggo.
Sang-ayon man siya sa mas mahigpit na parusa si Garcia sa mga gaya nila, aminado siyang walang batas na nag-oobliga sa mga kandidatong dumalo sa mga aktibidades na inihahanda ng poll body.
"Kung meron lamang po 'yang batas, tapos may nagsasabi na kapag hindi um-attend eto ang parusa, disqualification by election offense, maniwala po kayo sa amin, hindi po tayo magdadalawang-isip. Ipapatupad po natin 'yan," sabi niya pa.
"Kung ano man ang ipapatawag ng Comelec, pa-meeting man 'yan, pa-debate man 'yan, they commit that they will abide and follow, and will always participate in all the patawags of the Comelec."
Matatandaang sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na may mga bansa gaya ng Argentina kung saan required ang pagdalo sa electoral debates. Ang mga kandidatong hindi sumusunod nito roon, tinatanggalan ng kapangyarihang magpalabas ng mga patalastas sa broadcast media.
'Kasunduang pipirmahan kasabay ng COC'
Iminumungkahi ngayon ng Comelec official na gumawa ng kasunduan para sa susunod na eleksyon kung saan lalagda ang mga tatakbong pupunta sila sa lahat ng event ng komisyon. Aniya, dapat ay kasama ito ng certificate of candidacy (COC).
Maganda rin daw sana na hindi muna mag-focus sa ngayon ang publiko sa kung sino ang wala, sinabi pa ni Garcia na magandang pagtuunan ng pansin kung sinu-sino ang mga aktwal na naglaan ng oras para humarap sa taumbayan.
Muling hiniling ni Bello sa Comelec ang pagdalo nina Marcos at Duterte-Carpio nitong Linggo dahil sa kanilang "kaduwagan" lalo na't hindi raw magkakaroon ng pagkakataon para magisa sila sa kanilang mga record: "Duwag sila. We can't show their record. They have to show up so that the Filipino people can judge. Otherwise, this is a fucking big joke," wika ng running mate ni Ka Leody de Guzman.
Matatandaang umiwas si Marcos sa forums at debateng inihanda ng GMA News, Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas at CNN Philippines bago ang Comelec debate. Gayunpaman, dumalo siya sa debateng inihanda ng SMNI News na pinamamahalaan ni Pastor Apollo Quiboloy — na siyang nag-endorso sa kanya sa pagkapangulo.
Una nang sinabi ng kampo ni Marcos, anak ng diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na hindi sila dadalo sa debateng pagsasabungin lang ang mga kandidato lalo na't pagod na raw ang publiko sa batuhan ng putik. Dadalo naman daw sila sa mga forum na magbibigay ng sapat na oras para makapagpaliwanag ng mga plataporma.