MANILA, Philippines — Dinumog ng mga tagasuporta ni presidential candidate at Bise Presidente Leni Robredo, Linggo, ang Lungsod ng Pasig sa pinakamalaki nilang rally — gayunpaman, hinihikayat ng ikalawang pangulo na lalo pang abutin ang mas marami sa susunod na mga pagtitipon.
Aabot sa 80,000 hanggang 130,000 ang dumalo sa PasigLaban rally kahapon mula sa sari-saring official at unofficial estimates.
"Imbitahin po natin ang mga wala pa dito: Kahit napakarami na natin ngayong gabi, marami pa din ang hindi natin kasama. Gusto po natin sa kanilang sabihin, welcome na welcome po kayo dito," ani Robredo habang kinakausap ang laksa-laksang supporters sa kahabaan ng Emerald Avenue kahapon.
"Sana makita nila, masaya dito. Punong-puno ng pag-asa dito. Wala po akong duda, nakakahatak ng pag-asa ang pag-asa; at tiyak na tiyak ko, may pag-asa sa puso ng bawat Pilipino."
Hinikayat niya ang lahat na dobklehin ang pagsisikap na maabot ang mas nakararami sa nalalabing 50 araw ng kampanyang elektoral, lalo na't nasimula raw sila sa halos wala.
Dagdag pa niya, kung kakayanin ay kumatok-katok na sa mga bahay-bahay ang kanyang mga tagasuporta, kausapin ang mga kasabay sa jeepney, Grab, tambayan, palengke atp. para ibahagi ang mensahe ng pag-asa, pagkakaisa, at pagmamahal sa gitna ng "fake news" at pagkakawatak-watak.
'Kampanyang masa ang magtutulak ng plataporma'
"Walang Pilipinong mapagkakaitan ng kalinga, dahil lang salat sila sa pera. Pagdating sa mga eskuwela, iaatas ko: Kung ligtas na, dapat magbukas na. Sa long-term horizon, ang edukasyon, bubuhusan natin ng pondo; itatama po natin ang lahat na mali, at titiyakin na walang batang maiiwan," dagdag pa niya.
"Ipaglalaban ko po ang hanapbuhay para sa lahat. May sasahod na maayos sa bawat pamilya; ayuda para sa mga nawalan ng trabaho; trabahong magmumula sa gobyerno mismo."
Tututukan din daw niya sa problema ng mass transport system sa Metro Manila, kasabay ng pag-aangat ng antas ng kalusugan, edukasyon, trabaho, pabahay at mukha ng pulitika.
Pag-asa raw sa ngayon ang puso ng kanilang "People's Campaign," ito habang nananatili si Robredo ikalawang pwesto sa pinakabagong Pulse Asia survey na ikinasa nitong Pebrero.
Matatandaang nangunguna pa rin ang karibal ni Robredo na si Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa nasabing survey, na siyang anak ng kanilang binabatikos na diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. — may mga ulat mula kay Xave Gregorio