MANILA, Philippines — Nanawagan ang National Citizens’ Movement for Free Elections (Namfrel) na ibalik sa manu-mano ang pagbibilang ng mga boto sa mga presinto para matiyak ang transparency sa darating na halalan sa Mayo 2022
“’Pag automated (ang bilangan), walang nakakakita kung paano binilang. Walang witness ’yung pagbibilang. Pagka-shade mo ng balota mo, ifi-feed mo, hindi mo alam kung ano’ng nangyari,” ani Namfrel president Gus Lagman sa TeleRadyo ng ABS-CBN.
Paliwanag ni Lagman, kahit magtagal ng isang araw ang manual counting, mag-aalis naman ito ng mga pagdududa sa resulta ng eleksiyon.
Dagdag niya, ang final testing at sealing ng vote counting machines ay dapat na 3 araw bago ang eleksiyon at hindi ang kasulukuyang pamantayan na isang linggo. Dito ay mababawasan ang pagkakataon na makialam ang mga makina.
“The closer it is to election day, the safer. Kasi baka wala nang panahon para baguhin, di ba?” ani Lagman.
Mahalaga, aniya na maalis ang mga pagdududa sa integridad ng 2022 elections.
Nitong Enero ay gumawa ang Comelec ng bagong bersiyon ng software na gagamitin para i-automate ang 2022 elections at matugunan ang mga nakitang isyu sa mock poll na isinagawa noong Disyembre 2021.
Maliliit na aberya ang nakita ng poll body partikular sa transmission system.
Sinabi ni Comelec Commissioner Marlon Casquejo na nakakita sila ng improvements na kailangang maitama kabilang ang source code kaya gumawa sila ng iba pang trusted build sa VCMs.