MANILA, Philippines — Mas lumawak at lumalaki pa ang suporta sa tambalang Bongbong Marcos-Inday Sara at kanilang Uniteam nang magpahayag ng buong suporta ang mga lider at kasapi ng MRRD-NECC (Movement for Reform and Regional Development toward New Economic Cultural Cooperation) sa loob at labas ng bansa.
Ang naturang grupo na may bilang na higit kumulang isang milyong miyembro ay instrumental sa pagpapatakbo at pagkakapanalo ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016. Ang MRRD-NECC ay siyang nasa likod ng kampanyang “Run Duterte Run” noong 2015.
Sa isang pagtitipon nitong Biyernes sa Quezon City, isinapubliko ng MRRD-NECC ang kanilang manipesto ng pagsuporta sa BBM-Sara tandem.
Binasa ang manipesto ni Atty. Diosdado Padilla na tumatayong legal counsel ng grupo. Ang MRRD-NECC din ang nanguna noon sa pagtatayo ng Partido Federal ng Pilipinas na siyang partido ni Marcos sa kasalukuyan.
Isa-isa ring nagpahayag ng suporta ang mga representante ng iba’t-ibang sektor na nakaanib sa MRRD-NECC, kabilang na dito ang mga manggagawa, urban poor, magsasaka, mga katutubo, mga OFW, mga kasapi ng LGBTQ at iba pa.