Duterte 'Build, Build, Build' tagumpay ba? Ilang presidential bets 'di makasagot
MANILA, Philippines — Ilang presidential candidates ang tahasang sinabing tagumpay o bigo ang proyektong "Build, Build, Build" ni Pangulong Rodrigo Duterte sa unang debate ng Commission on Elections (Comelec) — ang problema, hindi dinretso ng iba ang kanilang sagot.
Ipinakete ng administrasyon ni Digong ang Build, Build, Build program bilang magdadala diumano ng "Golden Age of Infrastructure" sa Pilipinas para iahon ang ekonomiya sa kahirapan at tugunan ang pagkasikip ng Metro Manila. Sa kabila nito, ilan ang pumupunto sa pagpapalobo nito sa utang ng Pilipinas.
Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
- Tagumpay ba?: Walang sagot, absent
- Itutuloy ba? Walang sagot, absent
Ernesto Abella
- Tagumpay ba?: Oo
- Itutuloy ba?: Oo
Ayon kay Abella, na dating tagapagsalita ni Duterte, itutuloy niya ang naturang proyekto ngunit kailangan daw nitong lumampas sa isyu lang ng pagtatayo ng imprastruktura.
"But we'd also like to build, build, build the next generation. Lalo na po ang pag-stress ng education ng ating mga kabataan, lalo na po emphasizing science, technology, engineering and math, para po magkaroon tayo ng mas innovative na next generation," dagdag pa ni Abella.
"'Yun po ang plano natin, it's in the spirit of Build, Build, Build."
Leody de Guzman
- Tagumpay ba?: Hindi
- Itutuloy ba?: Hindi sinagot
"Generally, ang tingin ko sabit ang pagbuhos ng pondo dito sa Build, Build, Build," paliwanag ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino chairperson.
"'Yung ating utang mula sa P5.9 trillion bago umupo si Pangulong Duterte, ngayon ay aabot sa P13.4 trillion bago matapos ang kanyang panunungkulan dahil sa Build, Build, Build na ito."
Bagama't may kaonti raw pakinabang ang taumbayan, nagkaroon daw ng malaking problema dahil dito naibuhos ang malaking pondo ng gobyerno imbis na unahin ang COVID-19 pandemic.
Bukod pa rito, ang perang inilaan sa Build, Build, Build ay nailagay na raw sana sa pagreresolba ng kahirapan, mataas na presyo ng langis at kuryente, problema sa edukasyon atbp.
Francisco "Isko Moreno" Domagoso
- Tagumpay ba?: Oo
- Itutuloy ba?: Oo
Bagama't nakikita ang success ng naturang programa, kailangan daw itong gamitin para makapagtayo ng mas maraming pabahay, mas mahuhusay na eskwelahan, post-harvest facilities sa mga magsasaka, ospital atbp.
Magfo-focus din daw ang alkalde ng Lungsod ng Maynila sa pagreresolba ng naghihingalong kuryente, internet at buhay ng taumbayan ngayon.
"These are the things that we're going to focus sa Build, Build, Build. Tao muna. So 'yan po ang ating itutuloy, may awa ng Diyos," paliwanag niya.
Norberto Gonzales
- Tagumpay ba?: Hindi sinagot, "pag-aaralan pa"
- Itutuloy ba?: Hindi sinagot
"Infrastructures affect the behavior of people and societies. Kaya importante siguro, titignan natin uli ang rationale behind sa Build, Build, Build," sambit ng dating Defense secretary.
"Titignan natin kung ang Build, Build, Build ay nakakapag-supply ng pantay-pantay na pagtingin sa means of transportation na kinakailangan para magkaugnay-ugnay ang ating mga kababayan."
"Bago ko po sabihin nba okay 'yan Build, Build, Build, i-examinin muna natin."
Sen. Panfilo "Ping" Lacson
- Tagumpay ba?: Hindi
- Itutuloy ba?: Oo
"Sa tanong kung matagumpay ba? Out of 118 projects ang na-accomplish lang 12. Kayo na po ang humusga... kung matagumpay ba," maanghang na sabi ni Lacson.
"[Ituloy natin]... pero gawin nating better, i-boost natin at dapat bolder."
Bukod pa rito, dapat daw na hindi talikuran ng gobyerno ang mga kontrata sa Build, Build, Build lalo na 'yung mga pinangungunahan ng mga dayuhan.
Ang problema lang daw ngayon, napakataas na ng utang ng Pilipinas kung kaya't dapat daw ituon ng gobyerno ang atensyon nito sa paggamit ng public-private-partnerships upang hindi na mangutang habang lumalahok sa nation-building ang pribadong sektor.
Faisal Mangondato
- Tagumpay ba?: Hindi sinagot
- Itutuloy ba?: Oo
Pagdating sa Build, Build, Build, sinabi ni Mangondato na kailangan munang sagutin ang problema kung nakatuon daw ito sa pagsisilbi at pagseserbisyo sa tao.
"Ang tao ba ay nakakain ng tatlong beses? ... Ang mga kababayan ba natin ay may sapat na trabaho na mabubuhay nila ang pamilya nila?" sabi niya.
Idiniin niya na isa raw ang Build, Build, Build at pederalismo sa paglalapit ng gobyerno sa taumbayan.
Jose Montemayor Jr.
- Tagumpay ba?: Hindi sinagot
- Itutuloy ba?: Oo
"Maganda ba? In a way maganda kasi it will affect future generations," wika ng abogado at doktor na kandidato.
"We have no choice whether to continue, pursue or not. Nakasakal po tayo riyan. Tandaan natin, loans 'yan."
Sa ngayon, kailangan na lang daw tiyakin na hindi napupunta sa korapsyon ang Build, Build, Build program upang hindi lang mapunta sa wala ang mga inutang ng gobyerno para rito.
Sen. Manny Pacquiao
- Tagumpay ba?: Sasagutin ang tanong kapag "natapos na ang mga proyekto."
- Itutuloy ba?: Oo
"Masasabi mong successful ba? Kapag natapos, itutuloy po natin 'yan, masasabi nating successful," saad naman ng fighting senator.
"Ang kailangang Build, Build, Build, madagdagan ang daan sa Kamindanaoan, Visayas."
Aniya, ang kawalan ng kalunlaran sa Mindanao ang nagbubunsod ng pag-aarmas ng mga Muslim sa katimugang pulo ng bansa.
Bukod pa riyan, itutuloy din daw niya ang housing program na kanyang ginagawa bago pa pumasok sa pulitika oras na manalo sa Mayo 2022.
Bise Presidente Leni Robredo
- Tagumpay ba?: Hindi sinagot
- Itutuloy ba?: Oo
"Itutuloy po natin 'yung Build, Build, Build pero magbibigay po tayo ng emphasis sa [public-private partnerships] instead of [official development assistance] para hindi na utang," sabi ni Robredo, na isa ring ekonomista.
Sa kabila nito, may mga kailangan daw ayusin ang gobyerno bago maging matagumpay ang anumang PPP.
Bukod pa riyan, apat daw ang popuksan ng kanyang porma ng Build, Build, Build kung saka-sakali:
- Pagpapaunlad ng kanayunan para sa mga magsasaka, atbp.
- Transportasyon lalo na't 88% ng tao ang sasakyan, pagdidiin sa pampublikong transportasyon
- Water resource management
- Climate resilient infrastructure
- Latest