MANILA, Philippines — May hinala si Pangulong Rodrigo Duterte na patay na ang mahigit sa 30 nawawalang mga sabungero.
Ito ang inihayag ng Pangulo sa kanyang pagbisita sa Palo, Leyte at ibinunyag na mayroong sindikato sa loob ng sabungan.
Ayon sa Pangulo, ang mga sabungero na nawawala ay hindi malayong nanabotahe ng laban at ginagawa ito sa pamamagitan ng pagbabad sa tubig ng manok para sipunin at magkasakit.
Sa ganitong paraan umano pagsapit ng laban kinabukasan ay mahina na ito at tiyak na matatalo.
Sabi ni Duterte, posibleng nahuli ng mga sindikato ang pananabotahe ng mga sabungero kaya nalagay sa peligro ang kanilang buhay at maaari rin umanong pumusta rin ang mga sabungerong ito depende sa naging kasunduan o pakikipag-transaksyon.
Dahi dito kaya pinapaubaya na ng Presidente sa mga otoridad ang pagresolba sa mga kaso ng pagkawala ng mga sabungero at mailabas ang puno’t dulo ng mga nasabing insidente.
Ipinagtanggol din niya ang bilyong pisong kita ng gobyerno sa online sabong at isinisi ang pagkawala ng mga sabungero sa mga umano’y “evil men”.
Ayon kay Duterte, ang e-sabong ay nagbibigay sa gobyerno ng P644 milyon kada buwan kaya sa loob ng isang taon ay bilyong piso ang kinikita ng gobyerno dito.
Sa pagtaya ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ay umabot sa P3.7 bilyon ang kita ng e-sabong mula Abril hanggang Disyembre 2021 at P1.4 bilyon ngayong taon.
Nauna nang inatasan ng Malakanyang ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na tapusin sa loob ng 30 araw ang imbestigasyon sa kaso ng pagkawala ng mga sabungero at magsumite sa Office of the President ng resulta ng kanilang imbestigasyon.