MANILA, Philippines — Isinulong ng Department of Finance (DOF) ang pagdaragdag ng P200 sa tinatanggap ng mga mahihirap na pamilya sa bansa na mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sa Talk to the People na ipinalabas kahapon ng umaga, iprinisinta ni DOF Secretary Carlos Dominguez III kay Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon bilang kapalit sa isinusulong ng ilang sektor na suspendihin ang excise tax sa mga produktong petrolyo.
Ipinaliwanag ni Dominguez na madaragdagan pa ang makokolekta ng gobyerno kung hindi sususpindihin ang excise tax at ang madaragdag sa pondo ay maaaring ibigay sa mga mahihirap na pamilya na nasa ilalim ng 4Ps.
“So this is the extra money that we have not yet allocated. So our recommendation, Mr. President, is to use this extra tax money to subsidize the poorer sections, the poorer people in our society, okay,” ani Dominguez.
Kung binigyan aniya ng karagdagang tulong na P200 bawat pamilya sa loob ng isang taon, aabot sa P33.1 bilyon ang pondong ilalaan.
Aminado si Dominguez na hindi sapat ang nasabing halaga pero ito lang sa ngayon ang maaaring itulong ng gobyerno.
Nilinaw din ni Dominguez na may tinatanggap na namang tulong sa gobyerno ang mga benepisyaryo ng 4Ps at ang P200 kada buwan o P2,400 sa isang taon ay karagdagang tulong lamang.