MANILA, Philippines — Hindi maaaring suspendihin ang excise tax sa langis dahil malulugi ang gobyerno ng nasa P138.8 bilyon o katumbas ng 0.6 percent ng gross domestic product.
Ginawa ni Department of Finance Assistant Secretary Paola Alvarez, ang pahayag sa gitna ng kaliwa’t kanan na panawagan ng iba’t ibang sektor sa pamahalaan na suspendihin ang excise tax at VAT sa produktong petrolyo para maibsan ang kalbaryo ng taong bayan.
Halos linggu-linggong tumataas ang presyo ng langis dahil sa patuloy na giyera sa Ukraine at Russia.
“So diyan po sa usapin na iyan, iyong posisyon po kasi natin, hindi po tayo sang-ayon sa pagsuspinde ng excise taxes. Kasi po malaki po ang mawawala sa ating kaban o sa ating pera sa Treasury ‘pag ginawa po natin iyan,” ani Alvarez.
Mas makakabuti anyang magbigay ng tulong sa mga mahihirap.
“Ang pinu-propose po natin, imbes po na suspendehin natin overall, magbigay po tayo ng targeted support doon sa mga mahihirap na nangangailangan,” ani Alvarez.
Aabot aniya sa P48.7 bilyon ang mawawala sa gobyerno kung susundin ang panukala ng Kamara na suspendihin ang excise tax sa produktong petrolyo mula Hunyo hanggang Nobyembre.
Kapag sinunod naman aniya ang panukala ng Senado na suspendihin ang excise tax sa produktong petrolyo mula Hunyo hanggang Disyembre, ay aabot sa P69.3 bilyon ang mawawala sa kaban ng bayan.
Ipinaliwanag ni Alvarez na mahalaga ang excise tax para mapondohan ang mga programa ng gobyerno pati na ang pagbibigay ng ayuda sa mga drayber.