MANILA, Philippines — “May malasakit, magaling magpasya at may magandang character ang susunod na pangulo ng bansa at sana abogado”.
Ito ang mga katangiang nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na taglayin ng susunod na Pangulo ng bansa.
Sa panayam sa kanya ni Pastor Apollo Quibuloy, iginiit din ni Duterte na ang hinahanap niya na papalit sa kanya ay dapat mahal ang kapwa tao dahil ito ang payo ng kanyang ama sa kanya at handa rin gumising kahit hatinggabi para lamang resolbahin ang isang kaguluhan.
“So kayong taga-Davao, nakita ninyo ‘yan. So, must be compassionate. Pero extreme lang ako. Maawain ako pero pagka durugista ka? Anak ng… Umalis ka na lang diyan, barilin ko ‘yang it…”, ayon pa sa pangulo.
Ang susunod na pangulo ay dapat din umanong divisive at sinabing mas gusto niya ang isang abogado na isang mabuting quality ng isang susunod na pangulo dahil makakapagdesisyon ito agad sa anumang isyu.
Sa 10 presidential candidates sa darating na eleksyon tanging si Vice-President Leni Robredo at Jose Montemayor Jr. lang ang abogado.
Sa ngayon wala pang ini-endorso si Duterte na kanyang kandidato para sa May 9 elections matapos na umatras si Senador Bong Go na kilalang malapit sa kanya.