MANILA, Philippines — Binigyan ng isang linggong palugit ng isang alyansa ng manggagawa ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board - NCR (RTWPB-NCR) para harapin sila sa isang dayalogo tungkol sa petisyon nilang itaas ang minimum na sahod sa gitna ng oil price hikes.
Ito ang idiniin ng Unity for Wage Increase Now! (UWIN), Biyernes, para tuluyan nang dinggin ang P750 minimum wage petition na inihain nila noong Nobyembre 2019 lalo na't hindi makasunod ang sahod sa Metro Manila sa pagtaas ng bilihing pinalala ng ika-10 linggong sunod na pagmamahal ng produktong petrolyo.
Related Stories
"843 araw na po mula nang mag-file kami ng petition. Pero ang taas-presyo ng langis, weekly. Gayundin ang ibang bilihin. Ngayong susunod na Linggo, big-time pahirap na big-time oil price hike na naman ang inaasahang magaganap," ani Charlie Arevalo, UWIN spokesperson.
"Pati kuryente magtataas ng singil! Saan kami pupulot ng panggastos at pambayad? Kaya dapat dinggin na ang petisyon at magbigay na ang RWB ng agarang dagdag-sahod."
Muli nilang hiniling ang pagkakaroon ng pagdinig lalo na't inutos na ni Labor Secretary Silvestre Bello III na i-review ng RTWPBs sa buong bansa ang wage rates sa gitna ng pagsirit ng presyo ng langis. Nangyayari ito habang sinasakop ng Russia and Ukraine. Wika ni Bello, masyadong mababa ang P537 minimum wage sa Kamaynilaan.
Una nang sinabi ni Kilusang Mayo Uno chair at Makabayan senatorial candidate Elmer "Ka Bong" Labog na hindi sapat ang mabagal na review sa wage hikes at dapat nang aksyunan ang mga petisyon sa pagpapataas ng sahod.
"1205 araw na po mula nang huling makatikim ng dagdag-sahod ang mga manggagawa sa NCR. P537 po ang sahod na itinakda noon, pero higit P100 piso na ang ibinagsak ng tunay na halaga nito dahil sa taas-presyo bunsod ng mga lockdown, ng pandemya at krisis," dagdag pa ni Arevalo.
"Papatong pa ang sobra-sobrang buwis na ipinapataw ng gobyerno sa mga manggagawa at konsyumer." said Charlie Arevalo."
Halaga ng sahod bumababa sa pagtagal ng review
Huwebes lang nang sabihin ni 2022 presidential candidate Ka Leody de Guzman, na dating manggagawa sa pabrika, na maluwag niyang tinatanggal ang utos ni Bello tungkol sa minimum wage review ngunit hindi raw dapat matapos dito ang aksyon ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Aniya, ang bawat araw na lumilipas sa pagrerebyu ay isa na namang araw na lumiliit ang kayang bilhin ng mga manggagawa.
Ipinapako ngayon ng IBON Foundation sa P1,072 kada araw ang "family living wage," o 'yung sahod na kailangan para maging disente ang buhay ng pamilyang may limang miyembro.
Taong 2018 nang sabihin ni noo'y Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia na P42,000 kada buwan ang kailangan para mabuhay ang pamilyang may limang miyembro.
Ayon kay presidential bet at Sen. Panfilo Lacson, napapanahon ang panawagan ni Bello pagdating sa review ngunit kinakailangang balansehin daw ang magiging sahod ng manggagawa batay sa kakayahan ng employers.