MANILA, Philippines — Inilalapit ngayon ni Makabayan senatorial candidate Neri Colmenares ang limang proposals sa gobyerno upang mapahupa ang nagtataasang presyo ng produktong petrolyo, kasabay ng ika-10 sunod na linggo ng oil price hikes sa Pilipinas.
Inihahain ito ni Colmenares, na isa sa mga pambato ng opposition coalition na 1Sambayan, kasabay ng epekto ng Russia-Ukraine conflict sa global oil market. Una nang sinabi ng Department of Energy na malabo pa ang rollback sa presyo ng langis sa mga darating na araw.
Related Stories
"With the current tension between Ukraine and Russia, we are far from the end-game of this oil crisis. We in the Makabayan Coalition have long proposed five measures to help ease the burden of high fuel costs," wika ni Colmenares sa isang paskil, Miyerkules.
Maaari raw agarang gawin ang mga sumusunod:
- agarang pag-repeal sa value added tax at excise tax sa langis
- pag-"unbundle" sa oil prices
Kaya raw makapagbigay agad ng "average relief" na P27/litro ang una, bagay na makatutulong aniya sa maraming sektor na umaasa sa petrolyo.
Una nang natanggal ang 12% VAT sa tubig na sinusuplay ng Manila Water at Maynilad, bagay na kaya rin daw gawin sa fuel: "Kung aalisin ang VAT at excise tax sa gasolina, diesel, LPG at iba pang produkto ng langis, ang laking ginhawa hindi lang sa mga motorista kundi sa lahat," dagdag pa ni Colmenares.
"It's time na gobyerno naman ang magsakripisyo para sa bayan. #KayangKaya naman kung gugustuhin."
'Mga sunod na hakbang'
Sa "medium term," pwedeng isunod naman daw ang mga hakbang na ito:
- pagbasura sa Oil Deregulation Law
- muling pagbili ng gobyerno sa Petron
- pagtatayo ng National Petroleum Exchange Corp.
Dahil deregulated ang industriya ng langis sa Pilipinas, malayang maidikta ng mga oil companies ang presyo nito at malaya sa pagkontrol ng gobyerno. Ang huling oil price hike ay sinasabing pinakamataas na pagtalon ng preso simula nang i-deregulate ang naturang industriya sa bansa.
Ang Petron, na isa sa pinakamalaking kumpanya ng langis sa bansa, ay dating hawak ng gobyerno ngunit napasakamay ng pribadong sektor.
Nobyembre 2021 lang nang huling sabihin ni Ramon Ang, presidente at CEO ng Petron, na bukas silang ibenta pabalik sa gobyerno ang kumpanya ngayong nakikita ito ng ilang mambabatas bilang solusyon sa mataas na local pump prices.
Taong 2019 nang ihain ng Makabayan bloc ang House Bill No. 244, na siyang magre-renationalize sa Petron Corp. Nananatili itong pending sa Committee on Energy.
Una nang sinabi ni Bagong Alyansang Makabayan secretary general Renato Reyes Jr. na may imbentaryo ng langis ang oil companies na nabili na nila sa mas mababang presyo ngunit gustong ibenta nang mas mahal ngayon gamit ang automatic price adjustments ng deregulation law.
Martes lang nang sabihin nina Senate Minority Leader Franklin Drilon na walang ligal na balakid sa finance department at Bureau of Internal Revenue para isuspindi ang koleksyon ng fuel excise taxes sa gitna ng oil price hikes.
Ilang presidential candidates na gaya ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso ang nangako ng pagsasabatas ng pagbawas sa oil excise tax.
"Truth be told, the government does not have its hands tied in dealing with rising fuel costs," saad pa ni Colmenares.
"Kayang-kaya natin higitan ang krisis na ito basta mabawasan natin ang mga pahirap na buwis at magkaroon ng sapat na regulasyon sa industriya ng langis."