MANILA, Philippines — Hindi pa umano napapanahon na ilagay ang buong bansa sa Alert Level 1 dahil sa may mga lugar na hindi pa pasok sa metrics na kinakailangan, ayon kay Health Secretary Francisco Duque III.
Reaksyon ito ni Duque sa panukala ng National Economic Development Authority (NEDA) na ilagay na ang buong bansa sa Alert Level 1 para lalo pang mapalakas ang ekonomiya at malabanan ang nangyayaring krisis sa mundo.
“Hindi pa ngayon. Masyado pang…ayaw nating mawaldas natin ‘yung ating mga napagtagumpayan na. Kailangan mag-iingat tayo,” saad ni Duque.
May plano naman umano ang pamahalaan na mailagay sa Alert Level 1 ang buong bansa ngunit kailangang makatugon muna ang lahat sa pamantayan para maisagawa ito.
Kabilang sa mga criteria para sa Alert Level 1 ang: ‘low to minimal risk case classification’, kabuuan ng bed utilization na mas mababa sa 50%, 70% na ‘fully vaccinated’ sa target na populasyon, at 80% ‘fully vaccinated sa target na senior citizen.
Sa kasalukuyan, nasa Alert Level 1 ang Metro Manila at 38 pang ibang lugar sa bansa hanggang Marso 15.