MANILA, Philippines — Hinihimok ngayon ng isang kandidato sa pagkabise presidente ang Commission on Elections (Comelec) na magpatupad ng mas malupit na parusa laban sa mga tumatakbong nakahiligang umiwas sa debate — gaya na lang nina presidential at vice presidential candidates Bongbong Marcos at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Nakukulangan kasi si Laban ng Masa at Partido Lakas ng Masa VP candidate Walden Bello sa parusa ng Comelec sa debate skippers gaya na lang ng pagbawi ng pribilehiyong makasali sa e-rally channels ng poll body, kung saan pwede rin silang makapagkampanya.
Related Stories
"This not appearing in the Comelec e-rally that is watched by at the most a few hundred people, that is not a penalty at all. The Comelec just makes a joke of itself by imposing what is really a non-penalty," wika ni Bello, Martes, sa isang press conference.
"Marcos junior and Duterte are probably laughing [saying], 'If this is the penalty that we will get, sure! Let them cancel our e-rally appearances!"
Wika niya, kailangang magbalangkas ang Comelec ng parusa kung saan magdadalawa, tatlo o apat na isip ang mga kandidato na hindi sumipot sa mga electoral debates.
Matatandaang binanatan ni Bello sina Marcos at Duterte-Carpio sa February CNN Philippines debates dahil sa hindi pagdalo, bagay na pangatlong malakihang candidates forum na hindi nila dinaluhan. Aniya, ayaw humarap sa debate ng dalawa dahil "wala naman talaga silang totoong programa para sa taumbayan." Hindi pa tiyak kung dadalo ang Marcos-Duterte tandem sa Comelec debates.
Kasalukuyang humaharap sa P10 milyong cyber libel charge si Bello, bagay na inihain ng dating Davao City information officer Jefry Tupas, na siyang nagsilbi sa ilalim ni Duterte-Carpio noon.
Matatandaang sinabi ni Bello na nahuli si Tupas sa isang beach party nitong Nobyembre 2021 habang gumagamit diumano ng P1.5 milyong halaga ng droga. Dagdag pa niya, hindi kapani-paniwalang hindi alam ni Duterte-Carpio na "nagkukubli siya ng tulak ng droga." Sinabi niya ito habang binabanatan ang laging hindi pagsipit ng presidential daughter.
"'Yun lang po siguro ang message ko sa Comelec: Have a stronger, a really, really strong penalty for people who don't appear."
Pagbawalang mag-ere ng patalastas?
Sa mga bansa gaya ng Argentina, tinatanggalan ng kapangyarihang magpalabas ng mga patalastas sa broadcast media ang mga umiiwas sa election debates. Pero hindi raw 'yan magagawa sa Pilipinas, ani Comelec spokesperson James Jimenez.
"All over the world, for the most part, debates are voluntary for the candidates. In those places where they are mandatory, for example Argentina, there are legislated consequences such as forfeiture of the right to use the broadcast medium," ani Jimenez sa hiwalay na briefing kanina.
"In other countries, kapag hindi ka nag-participate sa debate, hindi ka makaka-broadcast ng iyong mga television ads for example. But that is not something we could do because the law mandates that candidates are able to use mass media for their campaign. So hindi pwedeng tanggalin ng Comelec 'yan."
Aniya, tanging ang e-rally lang ang kaya nilang ipagkait sa ngayon sa mga kandidatong ayaw makipagdebate dahil Comelec mismo ang may gawa nito at hindi ng kung anumang statute o batas.
Tinitignan nang marami ang election debates kung saan pwedeng makipagtalastasan ang mga kandidato (mababa o mataas man sa surveys o makinarya) para maihapag ang kanilang plataporma at magkaroon ng dayalogo pagdating sa iba't ibang isyu.