'Tataas pa': Rollback sa produktong petrolyo malabo, ayon sa DOE
MANILA, Philippines — Hindi pa inaasahan ang pagbaba sa presyo ng produkto ng langis sa gitna ng oil shortage, pababang inventory at patuloy na tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine, ayon sa Department of Energy (DOE), Martes.
'Yan ang sabi ni DOE Oil Industry Management Bureau director Rino Abad sa TeleRadyo ngayong ika-10 sunod na linggo na ng oil price hikes kung saan nasa P5.85 ang ipinatong kada litro ng diesel habang nasa P3.60/litro naman ito para sa gasolina ngayong araw.
"Wala tayong nakikitang ganoon [rollback sa presyo]," wika niya.
"Ine-expect po talaga natin unfortunately na tataas pa po ang price, until... meron pong colatilla lang diyan, until magkaroon po ng price destruction doon sa demand."
Fuel discounts, baka puwede
Ayon sa ilang kritiko gaya ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), ito na ang pinakamalaking one-time increase sa presyo ng langis simula nang ipatupad ang oil deregulation law.
Inaasahan nina Abad na kasing taas pa rin ang mangyayaring adjustment sa presyo ng langis sa sususunod na linggo.
Halos isang linggo na ang nakakaraan nang sabihin ni Energy Secretary Alfonso Cusi na lalo pang lalala ang local oil prices kung magtatagal pa ang sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine — ang una, sinasakop ang ikalawa.
"'Yung ongoing na shortage, daily shortage production na ang estimate ng (International Energy Agency) ay nasa 1 million. Pangalawa, hinuhugot na po yung supplement na 'yan sa mga existing stored inventory na declining din, na pababa nang pababa dahil wala pong build up na nakukuhang pambalik doon sa inventory," dagdag pa ng DOE official.
"At pangatlo, itong Russia-Ukraine, talagang kumakagat na talaga yung issue ng takot na magkakaroon ng dagdag na shortage galing sa Russian oil. Ang Russian oil ay ine-export, around 5 million barrels per day."
Nananawagan naman ngayon si Abad sa mga kumpanya ng langis sa bansa na patuloy magbigay ng discounts sa mga motorista.
Unioil tinapyasan price increase
Hindi susundin ng Unioil ang mga big-time oil players gaya ng Shell, Petron, Caltex atbp. sa pagpapatupad ng P5.85/litrong dagdag sa presyo ng diesel at P3.60/litrong dagdag sa gasolina.
"Back-to-back increase? We got you! We are slashing off our fuel price hike this week!" ayon sa Unioil sa isang pahayag, Lunes ng gabi.
Sa kabila nito, magpapatupad pa rin ito ng price increase na P3.85/litro ng diesel at P2/litro ng gasolina simula ngayong araw.
Pagsapit naman ng ika-11 ng Marso, magkakaroon ng ng increase na P2/litro para sa diesel at P1.6 para sa gasolina.
BAYAN: Sobra na! Presyo i-regulate!
Nais namang harangan nina BAYAN secretary-general Renato Reyes Jr. ang mga nagaganap na dagdag presyo sa mga produktong petrolyo, lalo na't historic-highs na ang nangyayari.
"Ngayong araw magiging epektibo ang pinakamalaking one-time increase sa presyo ng langis mula nang pinatupad ang oil deregulation law," ani Reyes kanina.
"Sa sobrang laki ng increase ay mistulang panic buying ang mga consumers kahapon sa mga gas station, ang haba ng pila para magpa full tank bago tumaas ang presyo. Kawawa ang mga maliliit na tsuper na walang pangkarga."
Nagtataka naman sina Reyes kung nasaan ang gobyerno ngayong may ganitong krisis na kinakaharap ang taumbayan. Imbis na sawatahin ang mga presyo, wala raw consumer protection na nangyayari.
Aniya, isa sa mga dahilan ngayon ng price hikes ang galaw ng presyo sa world market, na primaryang naiimpluwensyahan ng ispekulasyon ng presyo. "Sinasamantala" naman daw ng mga kartel ang krisis sa Ukraine upang lalong magkaroon ng pagmamahal.
Ang lalo pa raw absurdo, may imbentaryo naman daw ng langis ang oil companies na nabili na raw noon sa mas mababang presyo ngunit gustong ibenta nang mas mahal gamit ang automatic price adjustments sa deregulation law.
"Kaya ba walang ginagawa ang gobyerno sa oil price hike ay dahil sa windfall revenues na kinikita nito sa VAT at excise tax, na gagamitin pambayad sa P12 trilyon na utang ng gobyerno? Sa kaso ng 12% VAT, lalong [lumalaki] ang koleksyon ng buwis habang tumataas ang presyo ng langis," dagdag pa ni Reyes, na nagbababala ng mas mataas na presyo ng bilihin dahil sa hikes.
"Tanggalin o suspendihin ang VAT at excise tax sa langis. Kontrolin o i-regulate ang presyo ng langis para protektahan ang mga konsyumer sa price speculation at overpricing ng mga kartel. Isabansa ang industriya ng langis para sa kapakinabangan ng mamamayan at hindi ng dayuhan at iilan."
- Latest