Escudero aprub sa Ang Probinsyano
MANILA, Philippines — Nagdeklara ng pagsuporta ang Ang Probinsyano Party-list sa balik-Senado ni Sorsogon Gov. Chiz Escudero dahil sa kanyang masigasig na pagsusulong ng mga adbokasiya para sa pag-asenso ng mga mamamayan sa mga lalawigan.
Sa pag-endorso sa beteranong mambabatas, hinimok ng party-list, sa pamamagitan ng isang post sa Facebook, ang mga botanteng Pilipino na iboto si Escudero dahil sa kanyang magandang track record bilang isang lingkod-bayan mula siya’y magsimula bilang kinatawan ng Sorsogon sa Kamara noong 1998.
“Kami po sa Ang Probinsyano Party-list, bilang tagapagsulong ng karapatan at pag-unlad ng buhay sa probinsya, ay buong pusong sumusuporta sa pagtakbo ni Gov. Chiz Escudero para senador. Makakasigurado tayong magiging kasama natin ni Gov. Chiz sa pagsulong ng mga batas na talagang makakatulong sa ating mga kababayan lalo na sa ating mga probinsyano,” anang organisasyong sektoral.
Ang Probinsyano, na muling tumatakbo para sa eleksiyon ngayong taon, ay nakabase sa Legaspi City. Si Cong. Alfred delos Santos ang kasalukuyang representante nito sa Kamara.
Ang pagbabalik sa Senado ni Escudero ay sinusuportahan din ng mga party-list group na An Waray, Ang Kabuhayan, ARISE, Agimat, BHW, Bayaning Tsuper (BTS), Kusog Bikolandia, Magdalo at Federation of Free Farmers.
- Latest