^

Bansa

'Walang K mamuno': Pacquiao binuhay paratang na PDAF scam vs Marcos

Philstar.com
'Walang K mamuno': Pacquiao binuhay paratang na PDAF scam vs Marcos
Litrato ng boksingero't 2022 presidential candidate na si Sen. Manny Pacquiao (kaliwa) at dating Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
AFP/ Getty Images / Ethan Miller; Released/Bongbong Marcos staff, File

MANILA, Philippines — Walang karapatang mamuno bilang pangulo si dating Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. kung tatanungin ang kalabang si Sen. Manny Pacquiao dahil sa diumano'y katiwalian ng nauna kaugnay ng maanomalyang paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) o "pork barrel."

Taong 2014 nang isangkot ng diumano'y "mastermind" ng pork scam na si Janet Lim-Napoles at whistle-blower na si Benhur Luy ang pangalan ni Bongbong sa mahabang listahan ng mga mambabatas na nagbuhos ng kanilang PDAF sa mga ghost projects sa kickback.

"Para sa akin... masasabi ko na wala [siyang karapatan maging presidente]... Unang-una, alam natin ang isyu ng korapsyon... Alalahanin natin, kasali siya doon sa Napoles case... Baka nakalimutan ng taumbayan," wika ni Pacquiao, Biyernes, sa video interview ng Radyo Inquirer Online.

"Alam mo 'yung Napoles na 'yan, noong araw, congressman pa ako, may taong lumapit sa akin na kakausapin daw ako [ni Napoles]... In-explain sa akin, ibabalik daw sa [akin] ang 70%. Ang sabi ko, 'wag na kaming mag-usap kasi baka mainsulto ko pa siya... Hindi ako pumasok sa pulitika para pumasok sa ganyan [katiwalian]."

Inaabot pa ng Philstar.com ang panig ni Vic Rodriguez, tagapagsalita ni Bongbong, hinggil sa paratang ng senador at presidential candidate ngunit hindi pa rin tumutugon magpahanggang sa ngayon.

Ika-5 ng Abril, 2016 nang maghain ng P205 milyong plunder case laban kay Bongbong ang grupong iBalik ang Bilyones ng Mamamayan (iBBM) habang inuudyok ang Office of the Ombudsman na imbestigahan siya para sa kanyang pagkakasangkot sa pork barrel scam.

Agosto 2014 nang utusan ng Commission on Audit si BBM na isaoli ang "iligal at iregular" na P10 milyong PDAF funds na inilagaw daw ng huli sa isang livelihood project sa Nakar, Quezon sa pamamagitan ng foundation na pinangunahan noon ni Luy.

Huwebes lang nang pasaringan ng eight-division-boxing champion-turned-presidential-candidate ang mga kumekwestyon sa kanyang intelektwal na kapasidad na mamuno, gayung marami raw sa ngayong boboto pa rin sa mga magnanakaw sa gobyeno.

"Sinasabi nila si Manny Pacquiao, mahina raw ang utak. Pero hindi, hindi totoo 'yan. Ang pinakaboboto dito sa bansa, 'yung boboto ng magnanakaw," bwelta ni Pacman kahapon.

Matatandaang ang ama ni Bongbong na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ang may hawak ng Guinness World Record na "Greatest robbery of a Government" matapos niyang magnakaw ng $5-10 bilyon. Ang mga nakaw na yaman ay binabawi pa rin hanggang ngayon ng gobyerno sa pamamagitan ng Presidential Commission on Good Government (PCGG).

Taong 2018 nang hatulang "guilty" ng Sandiganbayan ang nanay ni Bongbong na si Imelda Marcos para sa pitong counts ng graft. Gayunpaman, naghain siya ng piyansa para sa pansamantalang kalayaan hanggang sa iapela niya ang kanyang graft conviction sa Korte Suprema. — James Relativo

2022 NATIONAL ELECTIONS

BONGBONG MARCOS

CORRUPTION

JANET LIM-NAPOLES

MANNY PACQUIAO

PLUNDER

PORK BARREL

PRIORITY DEVELOPMENT ASSISTANCE FUNDS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with