Kaso ng sakit sa puso tumaas ng 28% ngayong pandemya

Inihayag ni Dr. Gilbert Vilela, presidente mg PHA na nakakagulat at nakakatakot ang halos 30% na pagtaas ng kaso ngayong pandemic.

MANILA, Philippines — Tumaas ng 28 porsiyento ang kaso ng mga may sakit sa puso habang kasagsagan ng pandem­ya, ayon sa Philippine Heart Association.

Inihayag ni Dr. Gilbert Vilela, presidente mg PHA na nakakagulat at nakakatakot ang halos 30% na pagtaas ng kaso ngayong pandemic.

Isa sa maituturing aniyang dahilan ang hindi pagpapa-check-up dahil takot na pumunta sa ospital kaya tiniis na lamang ang nararamdaman.

Nakaapekto din aniya ang pag-aalala at mental stress na labis na nakakaapekto sa puso.

Ang mga may sakit sa puso aniya ay inaatake samantalang ang mga wala pang sakit sa puso ay maaaring magkaroon nito.

Nakakadagdag din sa problema ang mga pagkain lalo na kung ang “comfort food” ng isang tao ay mga mamantika, deep fried at maalat.

Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na inilabas noong Peb­rero 22, 2022, umabot sa 125,913 o 17.9 percent ng kabuuang bilang ng mga namatay mula Ene­ro hanggang Nobyembre noong nakaraang taon ay dahil sa ischemic heart disease na sinundan ng cerebrovascular disease na 68,180 o 9.7 percent.

Ipinaalala ni Vilela ang kahalagahan ng pamilya na nakakasama sa bahay na nagpapaalala ng kakaibang ugali na nagdudulot ng problema sa pagkain at maging sa mental health.

Show comments