Atong Ang ipapatawag ng Senado sa nawawalang mga sabungero
MANILA, Philippines — Para magkaroon ng linaw ang pagkawala ng 31 sabungero, ipapatawag ng Senado ang negosyanteng si Atong Ang sa susunod na pagdinig nito.
Sinabi ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, chairman ng Senate Committee on public order and dangerous drugs na sa susunod na pagdinig nila ay ipapatawag nila si Ang dahil siya ang may-ari ng tatlong arena kung saan nawala ang nasabing mga indibidwal.
Padadalhan umano ng Senado ng subpoena si Ang.
Noong unang pagdinig nitong Pebrero 24 ay nabanggit ang pangalan ni Ang matapos na banggitin ng kapatid ng isa sa nawawalang pasahero ang video kung saan nagbabala si Ang sa mga ‘double agent’ na umano’y nagnanakaw ng videos mula sa kanyang e-sabong firm na Lucky 8 Star Quest Inc.
Pino-post pa umano ang nakopyang website para ilegal na makapagpataya.
Pinabulaanan naman ni Atty. Angelo Niño Santos, presidente ng Lucky 8 Star Quest Inc., sa Senado na sangkot sila sa iligal na aktibidad lalo sa pakikitungo sa kanilang mga tauhan.
Sa tanong naman kung maituturing na suspek si Ang sa pagkawala ng mga sabungero, sinabi ni Dela Rosa na kahit sino ay maaaring maging suspek sa e-sabong.
Sa kabila nito, kailangan pa rin umano ng factual evidence para madiin siya subalit sa ngayon ito ay circumstantial evidence na maaaring magamit.
Sinabi naman ng Senador na nauna na nilang inimbitahan si Ang subalt tumanggi siya dahil sa problema sa kalusugan at nagpasabi na dadalo na lamang kapag maayos na ang kanyang pakiramdam.
Umaasa naman si Dela Rosa na makakadalo sa susunod na pagdinig si Ang.
- Latest