MANILA, Philippines — Hindi raw makaaapekto sa lihim na kilusan ang aksyon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na i-freeze ang assets ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), ayon sa pamunuan ng miyembro nilang Communist Party of the Philippines (CPP).
Ika-22 ng Pebrero nang i-freeze ng AMLC ang accounts ng 16 organisasyong nasa ilalim ng NDFP na pinamumunuan ng mga komunista — ito matapos silang i-designate bilang "terorista" ng Anti-Terrorism Council (ATC).
Related Stories
Sa kabila nito, minaliit ni CPP chief information officer Marco Valbuena ang magiging epekto nito sa kanilang mga kaalyado, na tinatawag nilang mga rebolusyonaryo at hindi terorista.
"Sino o kaninong assets ang tatargetin ng AMLC samantalang ang mga organisasyong ito ay mga underground o lihim na organisasyon, hindi kilala o incognito ang mga kasapi, walang mga ari-arian na nasa kanilang pangalan, laluna walang mga account sa bangko," ani Valbuena sa panayam ng Philstar.com.
"Dahil underground at may mga paraan ng paglilihim, ang mga organisasyong ito ng NDF ay ligtas at hindi kayang saklawin ng AMLC."
Una nang pinangalanan sa AMLC Resolution TF-50, Series of 2022 ang sumusunod na NDFP organizations bilang sakop ng utos para i-freeze ang kanilang assets:
- Revolutionary Council of Trade Unions
- Katipunan ng mga Samahang Mangagagawa (KASAMA) or Federation of Labor Organizations
- Pambansang Katipunan ng Magbubukid or National Association of Peasants
- Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) or Patriotic Movement of New Women
- Kabataang Makabayan (KM) or Patriotic Youth
- Katipunan ng Gurong Makabayan (KAGUMA) or Association of Patriotic Teachers
- Makabayang Samahan Pangkalusugan (MASAPA) or Patriotic Health Association
- Liga ng Agham para sa Bayan (LAB) or League of Scientists for the People
- Lupon ng Manananggol para sa Bayan (LUMABAN) or Committee of Lawyers for the People
- Artista at Manunulat para sa Sambayanan (ARMAS) or Artists and Writers for the People
- Makabayang Kawaning Pilipino (MKP) or Patriotic Government Employees
- Revolutionary Organization of Overseas Filipinos and their Families (COMPATRIOTS)
- Christians for National Liberation (CNL)
- Moro Resistance and Liberation Organization (MRLO)
- Revolution Organization of Lumads (ROL)
Kapansin-pansing wala ang CPP at ang armado nilang hukbong New People's Army (NPA) sa listahan na inilabas ng AMLC na pinetsahang ika-22 ng Pebrero.
Ilang dekada nang naglulunsad ng armadong rebelyon ang CPP-NPA laban sa gobyerno upang agawin ito, sa layuning pagpapabagsak diumano sa kontrol ng mga dayuhan, sistema ng kawalan ng lupa ng magsasaka at pagpapatakbo diumano ng pamahalaan na parang negosyo.
Ang NDFP ay sumusuporta sa armadong pakikibaka ngunit hindi lahat ay humahawak ng armas. Sila rin ang humaharap sa usapang pangkapayapaan sa tuwing ibinibukas ito ng gobyerno.
'Terrorist' designation
Ayon sa AMLC, isinagawa nila ang pag-"freeze sa assets" ng mga naturang grupo matapos italaga ng ATC bilang mga "terorista" sa ilalim ng Resolution 28 (2022) noon pang ika-26 ng Enero, 2022.
Kasama sa sakop ng parusa ay ang:
- ari-arian o pondong pinag-mamay-arian o kontrolado ng mga nasa listahan, kahit na ang mga nabanggit ay walang direktang kaugnayan sa gawaing terorista
- ari-arian o pondong buong-buong kontrolado/pinag-mamay-arian o pinaghahatihan, direkta man o hindi, ng mga nasa listahan
- ari-arian o pondong nalikom gamit ang pondo o iba pang assets na nasa kamay, direkta man o hindi, ng nasa terrorist designation
- ari-arian o pondo ng tao o mga elementong humahalili o inuutusan ng mga nasa terrorist designation
Paglilinaw ng AMLC, lahat ng tao at organisasyong ifi-freeze ang assets ay maaaring mag-avail ng mga remedies sa ilalim ng Republic Act 10168 (Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012) at Anti-Terrorism Act of 2022. Ang huli ang nagbibigay ng kapangyarihan sa ATC na mag-designate sa mga indibidwal o grupo bilang "terorista."
Matatandaang humarap ang kontrobersyal na Anti-Terrorism Act sa pagtutol ng nasa 37 petisyon. Karamihan dito, iginigiit na natatapakan ang demokratikong karapatan ng mga ligal na kritiko ng administrasyon. Dagdag pa nila, maaaring ma-target din daw nito pati ang mga hindi terorista.
Disyembre 2021 lang nang magdesisyon ang Korte Suprema na labag sa 1987 Constitution ang ilang parte ng anti-terror law, habang pinapanatili ang natitirang mga bahagi nito.
Magagamit vs ligal na kritiko?
Sa kabila ng pahayag ng CPP, sinabi ni Valbuena na maaaring hindi mga lihim na rebolusyonaryo ang maalanganin sa resolusyon ng AMLC kundi ang mga ligal na aktibista't kritikong nire-redtag o idinidikit ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa mga rebeldeng komunista.
"Alam na alam natin kung paanong hibang na hibang ang NTF-Elcac sa pagreredtag at kaliwa't kanan ang kanilang inaakusahan komunista," dagdag pa ng CPP official.
"Halimbawa nito ang ginawang pang-iipit sa grupong Rural Missionaries na na-freeze ang bank account matapos silang akusang "terorista" dahil sa serbisyong ibinibigay nila sa mga Lumad sa Mindanao at papel nila sa pagtatayo ng mga paaralan pangkomunidad (na pilit pinalalabas na para sa training sa NPA kahit wala naman silang maipakitang batayan)." — James Relativo