MANILA, Philippines — Hiniling ngayon ng PASAHERO Partylist sa Korte Suprema na tuluyan nang ideklarang unconstitutional o labag sa Saligang Batas ang “no vaccination, no ride” policy ng gobyerno, gayundin ang iba pang government measures na nagpapakita ng diskrimasyon sa mga Pilipinong hindi bakunado laban sa COVID-19.
Isinasaad ng “no vaccination, no ride” policy na nakapaloob sa Department Order No. 2022-001 ng Department of Transportation (DOTr), ang pagbabawal sa mga unvaccinated individual na sumakay sa mga pampublikong transportasyon tulad ng jeep, taxi, bus, sea ferry at commercial plane, papasok at palabas ng National Capital Region (NCR).
Sa 41-page petition ng PASAHERO, binigyang-diin nila na labag sa constitutional right ng mga ordinaryong Pilipino ang kautusang ito ng DOTr sapagkat may kalayaan ang bawat isa na mamili kung dapat ba silang magpabakuna o hindi.
Tinutukoy ng grupo ang IATF Resolution No. 146-B series of 2021 at MMDA Resolution No. 22-01 Series of 2022.
Inilalahad ng IATF Resolution ang paghimok sa mga public at private establishment na huwag papasukin sa kani-kanilang establisimyento at huwag pagsilbihan ang mga taong hindi bakunado, maging ang mga indibidwal na hindi kumpleto ang bakuna. Sa MMDA resolution naman, pinagbabawalan ang lahat ng unvaccinated individuals na gumamit ng domestic public transportation sa loob at labas ng NCR kahit may pa pinapasukang trabaho ito sa nasabing rehiyon.
“Ang kinakatawan namin sa PASAHERO ay ang mga ordinaryong Pilipinong mananakay na ang layunin ay makapagtrabaho para sa kani-kanilang pamilya. Pero dahil sa mga polisiyang ito, napagdadamutan sila ng kanilang karapatang bumiyahe at makapagtrabaho dahil lamang sa hindi sila bakunado,” ayon pa sa grupo.
Paliwanag pa ng grupo, dahil wala namang partikular na batas na nag-aatas sa lahat na magpabakuna, hindi makatarungan ang “no vaccination, no ride” ng gobyerno.