Chiz: ’Wag bigyan ng mga bagong pasaning buwis ang mga Pinoy
MANILA, Philippines — Sinabi ni senatorial aspirant at Sorsogon Gov. Chiz Escudero na huwag kapitan ng pamahalaan ang pagpapataw ng mga bagong buwis para lamang mabayaran ang lumalaking pagkakautang ng Pilipinas na ipinanunukala ng Department of Finance (DoF).
Bagaman totoo anya na kailangan ng gobyerno ng mas malaking koleksiyon subalit sinabi ni Escudero na hindi ito ang tamang panahon para magpataw ng mga bagong buwis o mag-tax hike lalo’t nasasapul pa rin tayo ng mga epekto ng pandemya.
Para makalikom ang gobyerno ng pambayad-utang, sinabi ng DOF na pinag-aaralan nito ang pagpapataw ng mga bagong buwis; pag-alis sa exemptions sa 12% value-added tax (VAT); at ang pagtaas sa excise taxes sa sigarilyo, alak, at softdrinks.
Noong 2021, nasa P11.73 trilyon na ang pagkakautang ng Pilipinas na kumakatawan sa 60.5% ng gross domestic product ng bansa na pinakamasama sa nakalipas na 16 taon.
May VAT exemption ang nasa 10 milyong senior citizen at 1.4 milyong persons with disability (PWDs). Noong Disyembre 2021, binigyan din ng Bureau of Internal Revenue VAT exemption ang lahat ng mga rehistradong exporter na tumatangkilik ng mga produkto at serbisyo ng mga lokal na supplier.
Imbes na magtaas ng buwis, sinabi ni Escudero na pag-aralan ng gobyerno ang pagbebenta ng ilang ari-arian nito at mas palakasin pa ang public-private partnerships (PPP) para mapondohan ang paghataw sa pagtatayo ng mga imprastruktura.
- Latest