MANILA, Philippines — Wala pa ring naitatalang "serious adverse events" sa mga batang edad lima hanggang 11 na nabakunahan na laban sa COVID-19, ayon sa Department of Health (DOH).
Ito ang ibinahagi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje sa publiko, Huwebes, matapos makakuha ng Pfizer COVID-19 vaccine ang nasa 263,932 chikiting mula sa nasabing age group.
"Walang serious na adverse side effects pero may walong kaso tayo ng non-serious adverse events," saad ni Cabotaje sa Laging Handa briefing kanina.
Matatandaang ika-7 ng Pebrero nang magsimula ang naturang pediatric vaccination sa Kamaynilaan, habang iginulong naman ito sa buong bansa noong Araw ng mga Puso (ika-14 ng Pebrero).
Apat sa walong kasong ito ang nakaranas ng pananakit o pangangati ng lalamunan, habang karamihan ay naka-experience lang ng rashes. Sa kabila nito, meron din naman daw nagkalagnat at nagsuka.
Sa ngayon, tanging ang gamot mula sa Pfizer ang may emergency use authorization (EUA) mula sa Food and Drug Administration (FDA) para magamit sa mga batang lima hanggang 11-anyos.
Iba't ibang pakulo ngayon ang ginagawa ng mga local government units (LGUs) upang maengganyo't hindi matakot ang mga batang magpabakuna. Ilan na riyan ang pagtransporma ng vaccination sites sa mala-children's party na vibes, pamimigay ng tsokolate, at pagkakaroon ng mga mascot.
Sinasabing pwede nang makakuha ng second dose ang mga batang naturukan ng bakuna tatlong linggo matapos ang unang dose.
Aabot na sa 60.01 milyon ang nakakukuha ng kumpletong COVID-19 primary series, habang nasa 8.01 naman na ang nakatatanggap ng booster shots.
Papalo na sa 3.64 milyon ang nahahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas, ayon sa pinakasariwang ulat ng DOH ngayong araw. Sa bilang na 'yan, patay na ang 55,330. — James Relativo