2022 VP debates ng SMNI kanselado; Part 2 ng presidential gagawin
MANILA, Philippines — Tuluyan nang kinansela ng wanted sa FBI na si Pastor Apollo Quiboloy ang nakatakdang 2022 vice presidential debates sa kanyang media outlet na SMNI, bagay na ikakasa sana sa ika-22 ng Pebrero — ito habang inihahanda ang "Round 2" ng salpukan ng presidentiables.
Ang pahayag ay inilabas ni Quiboloy, founder at chair ng Sonshine Media Network International (SMNI), habang nagtatalumpati sa programa niyang "Powerline."
"Because of public demand and public clamor, nabitin sila sa presidential debate, I'm sorry to say ika-cancel ko 'yung vice-presidential debate," wika ni Quiboloy sa isang programa, Miyerkules.
"Ang vice president, pareho rin ang stand niya sa kanyang magiging presidente, 'di ba?... Hindi na kailangan. So 'yung slot natin for vice-presidential debate, kinansel ko na lang 'yun para aking i-adjust doon sa main event na hinihingi ng tao: Second round of presidential debate."
Wika ni Quiboloy, gagawin ang ikalawang debate ng presidential bets matapos ang senatorial debates na nakatakda sa ika-2 at ika-3 ng Marso.
Ika-15 ng Pebrero nang gawin ang unang SMNI presidential debates, na dinaluhan lang ng apat ng presidentiables: sina dating Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., Ka Leody de Guzman, dating presidential spokesperson Ernesto Abella at dating Defense Secretary Norberto Gonzales.
"[B]ago matapos ang kampanya, mga ilang araw, ang final main event ng presidential debate. I hope na itong mga aspirants ay mag-a-attend lahat," ani Quiboloy, na wanted sa Amerika dahil sa umano'y sex trafficking ng mga bata. Wala pa naman daw natatanggap na request ang Pilipinas para ma-extradite o paharapin ng kaso sa US ang pastor.
"Kung hindi [makapunta ang iba], kahit 'yung apat na lang. Kasi gustong-gusto ng taumbayan na mapakinggan sila uli... Uhaw ang Pilipino sa isang intelligent platform, issue-based debates."
Ilan sa mga hindi pumunta sa naunang presidential debate sina Sen. Manny Pacquiao, Bise Presidente Leni Robredo, Sen. Panfilo Lacson at Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso.
Ipinagmamalaki ni Quiboloy, na spiritual adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte, kung paano naging "propesyunal" at organisado ang naunang debate, ito habang kinaklarong sinabihan nila ang mga kandidatong papatayan sila ng mikropono kung magkakaroon ng mga pamemersonal.
Bello dismayado
Hindi naman natuwa si Walden Bello, vice-presidential running mate ni De Guzman, matapos ang pag-anunsyo ni Quiboloy.
Aniya, hindi raw kasi siya mabibigyan na kaharapin at kwestyonin ang mga magiging panig ni vice presidential bet na si Davao City Mayor Sara Duterte, na katambal naman ni Marcos.
"Unfortunate, since this would have given me a chance to engage Sara in a policy debate. Not surprised," wika niya ngayong Huwebes.
"After Leody's win on Tuesday, the Marcos-Sara camp obviously wanted to avoid a double debacle. Sayang."
SMNI, the Quibuloy station, just cancelled the Feb 22 vice prexy debate. Unfortunate since this would have given me a chance to engage Sara in a policy debate. Not surprised. After Leody's win on Tuesday, the Marcos-Sara camp obviously wanted to avoid a double debacle. Sayang.
— Walden Bello (@WaldenBello) February 16, 2022
- Latest