MANILA, Philippines — Bilang bahagi ng kanyang krusadang "independent foreign policy" — kung saan malayang makakapagdesisyon ang Pilipinas nang hindi naiimpluwensyahan ng dayuhang interes — itinutulak ni presidential candidate Ka Leody de Guzman na pwedeng gamitin ang people's initiative kung hindi ito suportahan ng Senado.
Para kay De Guzman, ilang tratado't kasunduan gaya ng Mutual Defense Treaty (MDT), Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at Visiting Forces Agreement (VFA) ang nagtutulak sa Pilipinas na maging sunud-sunuran sa Estasdos Unidos. Ganito rin daw ang labas sa ilang kasunduan ng 'Pinas sa Tsina.
Related Stories
"Immediately nga kapag [tayo ang mamuno sa] gobyerno, kinabukasan 'yan ang aking magiging kautusan: i-revoke 'yung [MDT]... pati 'yung EDCA, VFA," ani De Guzman sa katatapos lang na SMNI presidential debates, Martes.
"Ang hirap nating magdesisyon [mag-isa] kung parang merong baril na nakatutok sa ating ulo. Pati 'yung agreement natin sa China, putulin natin 'yan."
Napag-usapan ang mga ito lalo na't naiipit ang Pilipinas sa dalawang superpowers gaya ng Amerika at Tsina, ang una bilang makasaysayang "kakampi" ng Pilipinas sa usaping militar habang inaangkin ng Tsina ang ilang teritoryo at katubigan sa West Philippine Sea — na bahagi ng exclusive economic zone ng Maynila.
Lahat ng ito nangyayari habang nakikipagkaibigan si Pangulong Rodrigo Duterte sa Beijing.
Karaniwang mungkahi ng mga lokal na pulitiko ang paggamit sa MDT atbp. para depensahan ng Amerika ang Pilipinas oras na maglunsad ng opensiba ang Tsina laban sa Maynila.
Sa kabila nito, naninindigan si De Guzman na hindi pantay ang MDT, VFA at EDCA sa Pilipinas at nagbibigay ng maraming kaluwagan sa Amerika dahilan para makapanatili ng impluwensyang militar nito sa bansa.
May ilang probisyon sa VFA na nagagamit para mapanatiling nasa Amerika ang jurisdiction sa mga sundalong Kano na gumagawa ng krimen sa Pilipinas, dahilan para igiit ng mga militanteng "shield" ito para hindi managot sa mga krimen ang mga banyaga. Isa sa mga tanyag na kaso kaugnay nito ay ang "Subic rape case" at pagkamatay ng transgender na si Jennifer Laude.
Binibigyan naman ng EDCA ng pahintulot ang mga tropang Amerikanong magpaikot-ikot nang matagal sa Pilipinas. Libre rin nitong magtayo at magpatakbo ng military facilities ang mga Amerikano sa lupa ng 'Pinas sa ilalim ng EDCA, bagay na tinitignan ng ilan bilang "de facto US bases" — bagay na ipinagbabawal simula noong 1991.
People's initiative kung ayaw ng Senado
Nang tanungin sa debate ng panelist at UP Professor na si Clarita Carlos si Leody kung umayaw ang mga senador na ibasura (bawiin) ang mga nabanggit na tratado, isa lang ang sinabi rito ng labor leader: ang people's initiative.
"Kung 'yung ating mga senador ay mga gerero rin, utak gera, eh 'di gamitin natin 'yung probisyon sa ating konstitusyon na people's initiative," banggit ng chair ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino kagabi,
"Gamitin natin 'yun nang sa ganoon ay maipasa 'yung isang batas na magbibigay proteksyon sa kabuhayan ng ating mga mamamayan at proteksyon sa krisis mng klima at pagtatakwil doon sa lumalaganap na gera na [ang nakikinabang] lang naman ay 'yung mga kapitalista na namumuhunan diyan."
Sa ilalim ng Article VII, Section 21 ng 1986 Constitution, magiging epektibo lang ang isang tratado kung pagkakasunduan ng karamihan ng mga miyembro ng Mataas na Kapulungan:
No treaty or international agreement shall be valid and effective unless concurred in by at least two-thirds of all the Members of the Senate.
Sa kabila nito, binibigyan ng Article VI, Section 1 ng 1987 Constitution at Republic Act 6735 ng kapangyarihan ang taumbayan na direktang magbasura, magpatupad, atbp. ng batas — kahit ng mismong konstitusyon.
Bagama't wala pang batas na naipatutupad sa kasaysayan ng Pilipinas gamit ang people's initiative, "there's a first time for everything" aniya, sabi ni De Guzman: "Sisimulan ko."