^

Bansa

2022 presidential bets idinebate kung CPP-NPA rebolusyonaryo o terorista

James Relativo - Philstar.com
2022 presidential bets idinebate kung CPP-NPA rebolusyonaryo o terorista
Makikita sa larawang ito sina 2022 presidential candidates Ka Leody de Guzman, Norberto Gonzales, dating Sen. Bongbong Marcos at Ernesto Abella, ika-15 ng Pebrero, 2022
Litrato mula sa SMNI News

MANILA, Philippines — Kahit pare-parehong sang-ayon sa pagbabalik ng peace talks, iba-iba ang pananaw nina 2022 presidential candidates Ka Leody de Guzman, Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., Ernesto Abella at Norberto Gonzales kung dapat ituring na kaibigan o kaaway ang rebeldeng Communist Party of the Philippines-New People's Army (CPP-NPA).

Ang isyung ito ay kanilang inilinaw sa katatapos lang na SMNI presidential debates, Martes, bagay na inihanda ng media network ng kontrobersyal na si Pastor Apollo Quiboloy.

Itinanong ng panelist ang usapin habang nasa audience ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), na kilala sa red-tagging ng mga ligal na grupo't kritiko ng gobyerno maliban pa sa pagkakalat ng maling impormasyon.

'Nag-armas vs pagsasamantala'

Bagama't hindi sang-ayon si De Guzman — na nagpapakilala ring sosyalista gaya ng CPP-NPA — sa inilulunsad na armadong pakikibaka ng huli, naninindigan ang labor leader na tumangan ng armas ang mga komunista bilang tugon sa makasaysayang pagsasamantala at hindi para maghasik ng lagim sa publiko.

"Ako ay hindi sang-ayon na sila'y terorista. Ako ang tingin ko ay sila ay rebolusyonaryong grupo na naghahangad ng panlipunang pagbabago at hustisiya," sabi ng chair ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino.

"Ang paggamit ng dahas [ng naghaharing uri] kapag lumalaban ang naapi... ang nagtutulak din sa kanila kung bakit sila nag-aarmas." Ilan sa mga tinukoy niyang halimbawa nito ay ang mga napatay ng diktadurang Ferdinand Marcos hanggang sa ngayon sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Ka Leody, kailangang magkaroon ng tunay na demokrasya sa Pilipinas na hindi lang para sa mga "nagpapayamang nasa itaas" kung sinsero ang gobyerno na tapusin ang insurhensya.

Una nang sinabi ni De Guzmaan na hindi nasagot-sagot ang mga balidong usapin gaya ng reporma sa lupa sa Pilipinas kasabay ng ibang inhustisiya, na siyang dahilan ng maraming magsasaka't manggagawa na magrebelde para gumawa ng sariling gobyerno

Itinutulak tuloy niya ngayon ang pagtaas ng minimum wage sa P750 habang ipinapanawagan ang 20% wealth tax sa 500 pinakamayayaman sa bansa.

"Hangga't ganyan [mapagsamantala] ang sistema ng ating lipunan, hindi mawawala ang paglaban mula sa welga, protesta hanggang sa pumunta na roon sa pagtatangan ng armas. Kaya wakasan na natin 'yung ganoong klase ng pagsasamantala," kanyang panapos.

Marcos: Dapat durugin, kinakalaban tayo

Kabaliktaran naman ang pananaw diyan ni Bongbong, na anak ng diktador na si Marcos. Matatandaang itinayo ang CPP (1968) at NPA (1969) sa ilalim ni "Macoy" at lumobo ang membership noong panahon ng Martial Law (1972).

"Ang depenisyon ng terorista ay 'yung nagdadala ng violence sa mga non-combatant kung tawagin, na mga sibilyan. Kaya sila [tinawag] na terorista," ani BBM sa debate kagabi.

"Papaano naman natin papayagan at sasabihin na tumutulong sa atin o kaibigan natin ang isang grupo na nambobomba at namamaril hindi lamang [sa] sundalo o mga pulis kung hindi ang isang football player na walang kinalaman [sa digmaan]... Sa palagay ko wala tayong ibang maaaring sabihin kung hindi tratuhin sila na kalaban dahil kinakalaban tayo."

Tinutukoy ni Bongbong ang isyu ng pagkamatay ng FEU football player na si Keith Absalon at pinsang si Nolven matapos masabugan habang nagbibisikleta sa Masbate.

Sa kabila nito, humingi ng tawad si CPP information officer Marco Valbuena sa pagkamatay ng mga Absalon, bagay na hindi raw nila sinasadya at nangyari dahil sa mga "errors" sa opensibang isinagawa ng NPA unit sa barangay Anas.

Sosyalista vs rebelyong komunista?

Bagama't "social democrat" sa ilalim ng Partido Demokratiko Sosyalista ng Pilipinas at lumaban din sa diktadurang Marcos, naninindigan si dating Defense Secretary Norberto Gonzales na hindi dapat ituring na kaibigan ang CPP-NPA. 

Tila nagparinig din siya sa mga nakatayong organisasyon na importante raw kung bakit nananatiling matatag ang rebeldeng kilusan na gustong umagaw sa estado.

"Sorry, ako kaaway sila [CPP-NPA]. Pero wala tayong batas nagde-define kung paano natin titignan o bibigyan ng solusyon ang ganitong klaseng kaaway," ani Gonzales.

"Wala tayong batas tungkol sa rebelyon. Kailangan meron para maayos ang usapan diyan... Ang paggamit ng dahas ay hindi kinakailangan."

Taliwas ang sinasabi ni Gonzales kung batas talaga ang titignan, lalo na't nakasaad sa Article 134 ng Revised Penal Code kung ano ang krimen ng rebelyon. Malinaw din ang parusa ng rebelyon sa Article 135 ng RPC, na iba pa sa inciting to rebellion at sedisyon.

Sa ilalim din ng Philippine jurisprudence, kinikilala ng Korte Suprema ang "Hernandez Doctrine," kung saan tinitignan na lang bilang isang single offense ang rebelyon kaysa paghiwa-hiwalayin pa sa ibang krimen ng pagpatay at panununog. Bahagi kasi talaga ng rebelyon ang akto ng pagpatay at arson. 

'Kaaway pero hinaing nila dapat tugunan'

Para naman sa negosyante at dating tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Ernesto Abella, kahit na kaaway ng estado ang mga nabanggit ay hindi dapat basta iitsapwera ang kanilang mga kahilingan lalo na't may bigat naman daw ito.

"Kung considered na terrorist group, eh 'di hindi siya kaalyado [ng gobyerno]... On the other hand, dapat matugunan ang kanilang mga complaints," ani Abella.

"Technically, they are enemies of the state, pero 'yung kanilang mga hinaing ay dapat matugunan."

Matagal nang naghahain ng 12-point program ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) — na kumakatawan sa CPP, NPA at iba pang lihim ng grupong rebolusyonaryo — sa gobyerno ng Pilipinas kung paano masosolusyunan ang ugat ng armadong tunggalian, kahirapan at pang-aapi ng mga dayuhang elemento sa bansa.

Sa kabila nito, Marso 2019 nang ianunsyo ni Digong na "permanente" niyang tinatapos ang peace talks sa mga rebelde, lalo na't "hindi raw sila ang dapat nagpapamahagi ng lupa sa mga magsasaka."

Imbis na centralized peace talks, localized talks ang ikinakasa ngayon ng pamahalaan.

BONGBONG MARCOS

COMMUNIST PARTY OF THE PHILIPPINES

ERNESTO ABELLA

LEODY DE GUZMAN

NEW PEOPLE'S ARMY

NORBERTO GONZALES

PEACE TALKS

REVOLUTION

TERRORISM

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with