MANILA, Philippines — Posibleng hindi na makasama sa mga itinitinda ng mga sari-sari store ang mga ordinaryong gamot makaraang hilingin ng Food and Drug Administration (FDA) sa mga lokal na pamahalaan sa bansa na magpasa ng ordinansa ukol dito.
Sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte, ikinatwiran ni FDA officer in charge director general Oscar Gutierrez Jr. ang panganib ng hindi nababantayang pagbebenta ng gamot ng mga maliliit na tindahan na maaaring mahaluan ng mga peke.
“Maybe they can pass an ordinance that sari-sari stores should not carry medicines, this has been done in Davao de Oro,” giit ni Gutierrez.
Tumugon naman dito si DILG Secretary Eduardo Año na nagsabing mag-iisyu sila ng ‘memorandum circular’ sa mga local government units (LGUs) para matigil ang bentahan ng pekeng gamot sa mga tindahan.
Iniulat din ni Gutierrez na mula Enero 13 hanggang Pebrero 11 ngayong taon, nasa 185 sari-sari stores ang nadiskubreng nagbebenta ng patingi-tinging gamot, kabilang ang mga gamot sa COVID-19. Ang mga tindahan na ito ay nasa National Capital Region, Region IV-A at Region V.
Pero wala sa mga ito ang nahulihang nagbebenta ng pekeng gamot, paglilinaw ng opisyal.