MANILA, Philippines — Nakuha ni Sorsogon Gov. Chiz Escudero ang ikalawang puwesto sa pinakabagong nationwide senatorial survey na isinagawa Philippines-Mission and Development Foundation (RPMD) noong Enero 22-30, 2022 kung saan nadagdagan siya ng 6.6 porsiyentong puntos kaya pumalo sa 58.2%.
Umangat si Escudero, na kumakandidato para sa Senado sa eleksiyon sa Mayo, mula sa ikalimang puwesto sa kaparehong survey ng RPMD noong Nobyembre 2021 matapos siyang piliin ng halos 60% ng 10,000 respondents mula sa listahan ng senatorial aspirants.
Ang beteranong mambabatas, na palaging nangunguna sa iba’t ibang pre-election surveys, ay nagbabalik-Senado na kabilang sa mga dala-dalang plataporma ang pagpapalakas ng mga lokal na pamahalaan at ang pagtulong sa pagbabangon ng bansa mula sa pandemya.
Nitong kamakailan lamang, lalong lumakas ang pagsuporta sa kandidatura ni Escudero para sa Senado nang iendorso siya ng mga party-list group na An Waray, Kusog Bikolandia, at Magdalo.
Personal din siyang pinili ni UniTeam vice-presidential candidate at kasalukuyang Davao City Mayor Inday Sara Duterte at pati na ng mga alkalde mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines o LMP.