MANILA, Philippines — Inayawan nina presidential candidates Sen. Manny Pacquiao, Sen. Panfilo "Ping" Lacson at Bise Presidente Leni Robredo ang presidential debates ng isang media entity na pinagmamay-arian ng isang kontrobersyal na religious leader na wanted sa Estados Unidos para sa sex trafficking ng mga bata.
Ganito nga ang sabi ng mga nabanggit, Lunes, patungkol kay Kingdom of Jesus Christ, The Name Above Every Name founder Apollo Quiboloy — na siyang spiritual leader ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Related Stories
"As much as I would like to participate in every debate and public forum related to my bid for the presidency, I am compelled to decline the invitation of SMNI, which is owned by Apollo Quibuloy, who, according to the US government, has molested and abused children," ani Pacman sa isang statement kanina.
"I cannot, in good conscience, be part of any activity organized by a man wanted for detestable crimes and who unconscionably used the name of the Lord in vain for religious scams."
Pinaghahahanap ngayon ng US Federal Bureau of Investigation sina Quiboloy at iba pang KOJC officials Teresita Dandan at Helen Panilag para sa ilang sex-related crimes, atbp.
Kasalukuyan ding humaharap si Quiboloy sa kasong libelo at cyberlibel, matapos paratangan ng naturang pastor si Pacquiao patungkol sa "anomalya" sa P3.5 bilyong Sarangani project. Humihiling si Manny ng P100 milyong danyos perwisyos para rito.
"Maliban dito ay may nakabinbin po kaming cyber-libel case kay Quibuloy kaya mas mabuting tanggihan ang imbitasyon ng SMNI para hindi mabigyan ito ng anumang kahulugan na maaaring makaapekto sa aming kaso," dagdag pa ng boxer-turned-presidential candidate.
Kinumpirma na rin ng kampo nina Robredo at vice presidential candidate Sen. Francis "Kiko" Pangilinan na hindi rin nila sisiputin ang debates ng SMNI.
Magpapa-debate pero Quiboloy may ineendorso?
Bukod kay Pacquiao, iboboykot din nina Lacson at kanyang vice presidential running mate na si Senate President Vicente "Tito" Sotto III ang padebate ng SMNI.
"With all due respect and giving regard to common sense, SP Tito Sotto and I are skipping the SMNI debates," wika ni Lacson sa isang tweet kanina.
"The network’s chairman, Pastor Quiboloy has already openly endorsed his preferred presidential and vice-presidential candidates."
Matatandaang inendorso ni Quiboloy ang kandidatura ni presidentiable at dating Sen. Bongbong Marcos, na anak ng diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Kanina lang nang sabihin ni Bongbong na hindi siya dadalo sa presidential debate na inihahang ng CNN Philippines, pero agad naman siyang pumayag sa SMNI.
Matagal nang naoobserbahan ng ilang fact-checking initiatives ang pagpapakalat ng disinformation ng Sonshine Media Network International (SMNI), maliban pa sa pag-atake nito sa mga peryodista at mga aktibista. — may mga ulat mula kay Gaea Katreena Cabico