Validity ng tricycle at jeepney driver’s license, vehicle registration palawigin
Apela ng Pasahero partylist
MANILA, Philippines — Hinimok ng Pasahero Party-list ang transport authorities na palawigin nang hanggang anim na buwan ang validity ng mga magpapasong driver’s license at vehicle registration ng mga driver at operator ng public utility tricycles at jeepney drivers.
Magkasamang nagtungo sa tanggapan ni DOTr Assistant Secretary at LTO chief Edgar Galvante ang PASAHERO Party-list founders na sina Allan Yap at Robert Nazal. Dito ay personal nilang ipinabatid ang hinaing ng mga miyembro ng tricycle operators and drivers association (TODA) at ng mga jeepney drivers mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sinabi ni Yap na sa halos dalawang taong lockdown at ang pagpapatupad ng limited seating capacity ay naapektuhan nang husto ang kabuhayan ng tricycle drivers na nabibilang sa marginal income earners.
“Humina ang kanilang pasada, tumaas ang presyo ng langis pero wala silang natanggap na ayuda mula sa national government at sa kabila nito, hindi naman tumaas ang kanilang singil sa pamasahe,” ayon kay Yap.
Sa kasalukuyan, isang taon lamang ang validity ng motor registration, habang 5-10 taon sa lisensya ng drivers na walang naitatalang violation, base sa iniaatas ng Republic Act 10930.
Kasama rin sa panawagan ng grupo, ayon kay Yap, ang pag-update sa license testing ng mga tricycle driver at pagrepaso sa special fee o rate para sa mga driver ng public three-wheeled vehicles.
Ayon kay Yap, kahit three-wheeled vehicles ang gamit ng tricycle drivers, ang ipinapataw aniyang fees sa kanila ay tulad din ng fees na ipinapataw sa mga four-wheeled vehicles.
- Latest