Karera ni Panelo sa Senado, umarangkada na
MANILA, Philippines — Pormal nang umarangkada ang kampanya ni dating Chief Presidential Legal Counsel Salvador “Sal” Panelo sa pagka-senador, matapos maghayag ng buong suporta si VP candidate Sara Duterte sa dating cabinet member sa campaign kickoff ng UniTeam sa Philippine Arena noong February 8.
“Ipiniprisinta ko ang aking sarili sa taong bayan bilang kandidato sa Senado dahil sa paniniwala na makakatulong akong tugunan ang mga pangangailangan ng sambayanan,” ani Panelo.
“Sa tulong niyo, magiging karangalan ng buhay kong ituloy sa Senado ang serbisyong may tapang at malasakit na sinimulan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte,” pahayag ng dating Chief Presidential Legal Counsel.
Isa sa mga platapormang inihain ni Panelo sa simula ng kampanya ang pagpapalawig ng mga batas para sa libreng edukasyon, legal at medical services.
Malapit din aniya sa kaniyang puso ang kapakanan ng mga batang may kapansanan, o children with special needs. Si Panelo ay ama ng isang ‘special child’ at batid aniya ang mga pagsubok na kinakaharap ng mga magulang gaya niya, lalo na pagdating sa mga therapy at special education ng mga ganitong anak.
May mga panukalang programa rin ang tinaguriang legal luminary para sa ikagiginhawa ng mga ina, public transportation drivers, guro, LGBTQI+, PWDs, at iba pang sektor na nangangailangan ng kalinga ng gobyerno.
Si Panelo ay isang beteranong abogado, at bukod sa pagiging dating Chief Legal Counsel ay naging spokesperson din siya ni Pangulong Duterte. Siya ay tumatakbo bilang Senador sa darating na 2022 Presidential election sa ilalim ng ruling party na PDP-Laban.
- Latest