MANILA, Philippines — Nais ni Ang Probinsyano party list Rep. Alfred Delos Santos na muling bumalik ang interes ng mga kabataang nasa probinsya sa pagsasaka upang makatulong sa pagpapakain sa Pilipinas ngayong pandemya.
Sa opisyal na pagbubukas ng kampanya ng Ang Probinsyano party list, sinabi ni Delos Santos na isusulong niya ang iniakdang panukalang-batas noong 18th Congress na nagsasaad ng promosyon ng agrikultura sa mga kabataan.
“Alam n’yo po sa ibang bansa, sa Estados Unidos, nakita natin na ang mga magsasaka, mayayaman iyan, may sariling tractors ‘yan, may sariling lupain. So bakit mayroong stigma na kung magsasaka ka ikaw ay isang pobre?” ayon kay Delos Santos.
Nais umano niyang baguhin ang paniwalang ito sa sa pagkakaroon ng education system sa agricultural sector kug saan hinihikayat ang mga kabataan na muling bumalik sa pagsasaka.
Ikinalungkot din ni Delos Santos ang ginagawang pagbebenta ng mga magsasakang Pilipino ng mga bukirin dahil sa hindi makasabay sa mas murang produkto na ini-import ng Pilipinas.
Bukod dito, sinabi ni Delos Santos na sa 19th Congress, magpapasa siya ng mga batas para sa mga negosyante para makabawi ang bansa mula sa pagkakalugmok sa pandemya.