De Guzman aarangkada presidential campaign sa Bantayog ng mga Bayani

Litrato ni Partido Lakas ng Masa 2022 presidential aspirant Leodegario "Ka Leody" de Guzman sa isang protesta sa Senado, Enero 2022, para ipaabot ang pagtutol sa kasunduang Regional Comprehensive Economic Partnership Agreement (RCEP).
Mula sa Facebook page ni Ka Leody de Guzman

MANILA, Philippines — Napili ng "sosyalistang" presidential candidate na si Ka Leody de Guzman ang Bantayog ng mga Bayani — na itinayo para parangalan ang mga lumaban sa diktadura ni Ferdinand Marcos — bilang lunsaran ng kanyang "Manggagawa Naman sa 2022" proclamation rally sa pagsisimula ng opisyal na campaign period.

Idaraos sa naturang lugar ganap na 6 p.m., Martes, ang kampanya ng Partido Lakas ng Masa (PLM) standard bearer kasama ang katambal sa pagkabise presidente na si Walden Bello pati na rin ang kanilang senatorial bets na sina Luke Espiritu, Roy Cabonegro at David D’ Angelo.

Sasama rin rito ang limang nominado para sa PLM party-list at mga local kandidato nito sa Lungsod ng Taguig, Caloocan at ilang bayan sa Zambales at Cavite.

 

 

Bago pa man ang mismong proclamation rally, isang caravan naman ang ikakaso ng ilang bikers at mga sasakyan mula sa tahanan nina Ka Leody sa Cainta, Rizal pasado 3 p.m.

Sasanib-pwersa rin sila sa contingent ng ilang mga manggagawa sa compound ng ABS-CBN sa kabaan ng Sgt. Esguerra Avenue sa Lungsod ng Quezon pagsapit ng 5 p.m., bagay na dudulog sa maiksing martsa mula EDSA-Quezon Avenue patungong Bantayog ng mga Bayani.

Ilang organisasyon gaya ng ALMA-QC, MMVA, KPP, ZOTO, KPMK at AMA ang inaasahang magpapahayag ng kanilang pag-endorso kay Ka Leody sa proclamation rally ng PLM mamaya.

'Manggagawa sa Palasyo'

Isang aktibista at labor leader bilang chairperson ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), dati ring naging manggagawa sa pabrika si Ka Leody at balak dalhin ang boses ng karaniwang tao sa Malacañang.

Kung papalarin sa 2022, layunin ng kanyang "progresibong" pamumuno ang pagtataas ng minimum na sahod sa P750, pagbuwag sa kontraktwalisasyon, 20% wealth tax sa 500 pinakamayayamang Pilipino, tunay na repormang agraryo, industriyalisasyon, pagpapahintulot sa same-sex marriage at diborsyo.

Una na rin niyang sinabi na plano niyang buwagin ang kontrobersiyal na National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, ibasura ang Anti-Terrorism Act of 2020 na pumupuntirya raw sa mga kritiko ng gobyerno atbp.

Maliban kina Espiritu, Cabonegro at D' Angelo, una nang in-endorso ni De Guzman ang senatorial candidacy ng iba pang progresibo at oposisyong senatorial candidates gaya nina:

  • Bayan Muna chairperson Neri Colmenares
  • Sen. Leila de Lima
  • human rights lawyer na si Chel Diokno
  • Kilusang Mayo Uno chairperson Elmer Labog
  • Federation of Free Workers president Sonny Matula

Plano rin niyang ituloy ang naputol na usapang pangkapayapaan ng gobyerno sa rebeldeng Communist Party of the Philippines-New People's Army-National Democratic Front of the Philippines upang "maresolba ang armadong tunggalian" habang bukas sa ideyang isama sila sa kanyang Gabinete.

Show comments