MANILA, Philippines — Itinuring nang “most wanted” ng US Federal Bureau of Investigation (FBI) ang self-proclaimed “Owner of the Universe’ at ‘Appointed Son of God’ preacher at founder ng Davao-based Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Apollo Carreon Quiboloy.
“Apollo Carreon Quiboloy, the founder of a Philippines-based church, is wanted for his alleged participation in a labor trafficking scheme that brought church members to the United States, via fraudulently obtained visas, and forced the members to solicit donations for a bogus charity, donations that actually were used to finance church operations and the lavish lifestyles of its leaders,” ayon sa FBI post.
Batay sa ipinaskil na posters ng FBI nitong Sabado (Biyernes sa US time), bukod kay Quiboloy, kasama rin sa most wanted list sina Teresita Dandan at Helen Panilag.
Si Dandan ang tumatayong “international administrator” na nangangasiwa sa mga simbahan ni Quiboloy at sa mga bogus charity operations sa Amerika, habang si Panilag ang namamahala sa financial data mula sa mga operasyon ng simbahan ni Quiboloy.
Nakasaad ang alegasyon laban kay Quiboloy na “conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion and sex trafficking of children; sex trafficking by force, fraud and coercion; conspiracy; bulk cash smuggling.”
Kabilang din sa alegasyon na ang mga babaeng recruits na tinatawag na ‘pastorals’ ni Quiboloy ang tagapagsilbi at naghahanda ng kaniyang pagkain, naglilinis ng kaniyang bahay, nagmamasahe sa kaniya at kinakailangang makipagtalik sa kaniya na tinatawag na ‘night duty’.
Sinabi naman ng National Bureau of Investigation (NBI) na wala pa silang natatanggap na pormal na komunikasyon mula sa FBI ukol sa isyu.
Samantala, sinabi rin ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra sa nitong Sabado na wala pa silang natatanggap na official communications mula sa US government.
Nilinaw ni Guevarra na hindi naman agad aaksiyon ang Philippine authorities hangga’t wala pang inihahaing request sa bansa.
Pag-aaralan pa rin ng DOJ kung maari na silang magpalabas ng immigration lookout bulletin order o precautionary hold departure laban kay Quiboloy habang wala pang official request mula sa US government.
Si Quiboloy ay spiritual adviser at kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte.