Pinas nakakuha ng 30 milyong Pfizer para sa 5-11 anyos
MANILA, Philippines — Tiniyak kahapon ng Department of Health (DOH) na nakakuha ang pamahalaan ng 30 milyong doses ng Pfizer para sa 15 milyong kabataang nasa 5-11 anyos na babakunahan nito.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang 30M doses ay para sa una at ikalawang dose na may 21-araw na pagitan.
Una nang inatras ang dapat vaccination roll-out noong Pebrero 4 at inaasahang matutuloy na sa Lunes, Peb. 7 na isasagawa sa anim na vaccination sites sa National Capital Region (NCR).
Magsisimula ang bakunahan ng alas-10 ng umaga sa Lunes sa Philippine Heart Center, Philippine Children’s Medical Center, National Children’s Hospital, Manila Zoo, SM North Edsa (Skydome), at sa Fil Oil Gym sa San Juan City.
Sa Martes ay palalawakin pa nila ang bakunahan sa 38 vaccination sites sa Metro Manila, Region 3, at Region 4A.
“By next week, we will be launching in specific regions in the country like Davao and Cebu,” aniya.
Nilinaw din niya na ang pagbabakuna sa mga menor-de-edad ay boluntaryo at nasa mga magulang na ang desisyon.
Handa naman ang DOH sa sistema ng pag-detect sa anumang adverse event ng bakuna sa menor-de-edad, at mas lamang naman aniya ang benepisyo keysa sa panganib mula dito.
- Latest