Pagtatayo ng unang ospital para sa ­lahat ng sakit sa Southern Luzon, lusot sa Senado

Ang ospital ay magsisilbing kauna-unahang pagamutan para sa iba’t-ibang uri ng sakit sa Timog Katagalugan at isa sa magiging apex hospital o end-referral hospital sa lugar.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Pasado na sa ikatlong pagbasa sa Senado ang House Bill No. 7952 na inakda nina Quezon 4th District Rep. Angelina “Helen” Tan at Congressman Wilfrido Mark Enverga ng unang distrito para sa pagtatayo ng Southern Luzon Multi-Specialty Medical Center sa Tayabas, Quezon.

Ang ospital ay magsisilbing kauna-unahang pagamutan para sa iba’t-ibang uri ng sakit sa Timog Katagalugan at isa sa magiging apex hospital o end-referral hospital sa lugar.

Lubos na ikinatuwa ni Tan ang pagpasa ng panukala na ayon sa kanya ay alinsunod sa layunin ng Universal Health Care (UHC) Act na kanya rin isinabatas.

Nagpasalamat si Tan na umuupong taga­panguna ng komite ng kalusugan sa Kamara sa mga senador sa kanilang suporta partikular na kay Senator Bong Go na kanyang counterpart sa Committee on Health.

“Ito po ay isang ­malaking hakbang sa pag-abot ng ating pangarap na kalusugan para sa lahat ng Pilipino”, banggit ni Tan. Aniya, maraming mahihirap na may sakit ang makikinabang sa pagtatayo ng Southern Luzon MSMC.

Ang Southern Tagalog region ay binubuo ng Batangas, Cavite, Laguna, Marinduque, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Palawan, Quezon, Rizal, Romblon at Aurora kasama ang 1st class highly urbanized na Lungsod ng Lucena. Makikinabang din sa nasabing panukala ang mga pasyente sa Bicol at maging ang Metro Manila.

Show comments