MANILA, Philippines — Iniimbestigahan na ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group ang insidente ng pagkawala ng 20 sabungero .
Ayon sa CIDG, may 10 sabungero ang nawawala mula sa Laguna at Maynila at 10 sabungero rin mula sa Bulacan.
Sinabi ng CIDG na pinapaigting na nila ang kanilang imbestigasyon sa mga nawawalang indibidwal.
Base sa impormasyong natanggap, mahigit walong buwan nang nawawala ang 10 sabungero sa Bulacan at nanggaling din umano sila sa kaparehong cockfighting arena sa Sta. Cruz, Laguna na pinuntahan din ng ibang sabungerong nawawala.
Nabatid na unang napaulat ang apat na sabungerong nawawala sa Sta. Cruz noong January 13.
Sinundan ito ng isa pang insidente ng anim na sabungerong nawala sa Maynila sa kapareho ring araw.
Nabatid naman kay PNP chief Police General Dionardo Carlos, sinisilip na nila ang pattern sa insidente.
Inaalam din nila kung may sindikato nga ba sa likod ng pagkawala ng mga sabungero.