'Senador' nasa likod ng delay sa disqualification case vs Marcos — Guanzon
MANILA, Philippines — Ikinabahala ng ilang sektor ang bali-balitang "iniimpluwensyahan" ng makapangyarihang mga tao ang paglalabas ng desisyon sa disqualification case ni dating Sen. Bongbong Marcos sa 2022 presidential elections, dahilan kung bakit hindi pa rin daw mailabas ang hatol.
Huwebes nang humarap si Comelec commissioner Rowena Guanzon sa GMA para ibulgar na bumoto siya pabor sa petisyong i-disqualify si Bongbong kahit hindi pa binabasa ang pinal na hatol sa anak ng dating diktador, bagay na "unreasonable delay" na raw. Ika-17 ng Enero pa dapat ang promulgation.
"Hindi ko alam kung [galing PDP-Laban], pero malamang senador," banggit ni Guanzon sa panayam ng "Mangahas Interviews," Biyernes.
"Iniipit nila diyan kay Commissioner Aimee Ferolino. Pulitiko ito, malaking poderoso ito, kasi hindi naman gagawin ito ni Commissioner Aimee na hindi siya nakasandal sa taong malakas."
Si Ferolino ay bahagi rin ng First Division na humahawak din sa kaso kasama si Marlon Casquejo. Una nang pinangalanan ni Guanzon si Ferolino bilang ponente ng kaso, na tumigil na raw sa pagtugon sa ngayon sa mga tawag at mensahe.
Hindi pa naman tumutugon sa Philstar.com ang PDP-Laban wing sa ilalim ni Energy Secretary Alfonso Cusi kung may nalalaman sila pagdating sa paglutang ng kanilang partido sa isyu.
Miyembro ng PDP-Laban si Pangulong Rodrigo Duterte, na siyang ama ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio — ang huli ay tumatakbo sa pagkabise presidente bilang running mate ni Bongbong. Si Sara ay inendorso kamakailan ng PDP-Laban sa 2022 ngunit wala pa rin silang opisyal na susuportahan sa pagkapangulo.
"Hindi niyo nga kandidato ‘yan si Marcos Jr. Ano ba? Salungat kayo sa partido niyo," dagdag pa ni Guanzon, na isa sa tatlong commissioner na humahawak sa kaso ni Marcos.
Matatandaang naghain ng disqualification case laban kay Marcos ang Akbayan Citizens’ Action Party at Bonifacio Ilagan ng Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law dahil sa conviction ni Marcos kaugnay ng kabiguang maghain ng income tax returns.
Dahil dito, iginigiit ng petitioners na perpetually disqualified na sa paghawak ng public office si Marcos. Isa ang moral turptide sa mga grounds sa disqualification ayon sa Section 12 ng Omnibus Election Code.
Wala pa ring reaksyon si Comelec spokesperson James Jimenez kaugnay ng isyu matapos tanungin ng media.
Kanina lang nang manawagan ang Partido Federal ng Pilipinas na ipa-disbar si Guanzon at bawiin ang kanyang retiremention benefits at pension kaugnay ng maagang paglalabas ng huli ng kanyang opinyon sa isyu.
Duda sa Comelec mapapaypayan?
Nananawagan naman ngayon ang sari-saring sektor para basahin na agad ng Comelec First Division ang hatol pagdating sa disqualification case ni Bongbong. Aniya, lalo lang daw magdududa ang publiko habang pinatatagal ang paglalabas ng desisyon.
"Why the long delay? The speedy resolution and the gravity that this decision carry are matters that cannot be taken for granted by the Comelec," ani Bayan Muna Rep. Carlos Zarate kanina.
"Is there a deliberate ploy to await first the retirement of the three (3) current Comelec commissioners before the decision is promulgated? This is seriously concerning as the Commission will be peopled solely by Duterte appointees after February 2."
Una nang naiulat na magreretiro mula sa serbisyo si Guanzon pagsapit ng ika-2 ng Pebrero, 2022.
Dagdag pa ni Zarate, mas mainam kung mailalabas ito agad upang mabigyan ng sapat na oras ang mga partido na umapela sa Korte Suprema kung sakali.
Nananawagan naman ngayon ang grupong CARMMA sina Ferolino at Casquejo na tumindig sa "tamang panig ng kasaysayan" at magdesisyon para sa katotohanan, katarungan at integridad habang pinapalakpakan si Guanzon.
"Dapat lang pangalanan at isiwalat sa publiko ang pangalan ng kung sinuman ang sa tinggin niyang nakiialam sa desisyon ng dibisyon, at kung may sapat na batayan, kasuhan ang dapat kasuhan," sabi naman ni 2022 presidential candidate Ka Leody de Guzman sa hiwalay na statement kanina.
"Nakakabahala ang... pagiging ‘missing in action' [ni Ferolino]. Nagbibigay daan pa siya sa mga espekulasyon imbes na pangalagaan ang integridad ng ahensya at ng eleksyon."
- Latest