MANILA, Philippines — Dalawa pang brand ng bakuna laban sa COVID-19 ang binigyan na ng emergency use authority (EUA) ng Food and Drug Administration (FDA) para magamit bilang booster doses, pagkukumpirma ng Department of Health (DOH), Biyernes.
Taong 2021 pa lang ay nabigyan na kasi ng EUA ang primary doses ng Sinopharm at one-shot COVID-19 vaccine na "Sputnik Light" ng Gamaleya, ngunit ngayong 2022 lang pinayagan ang kanilang brands na mag-provide ng boosters sa bansa.
Related Stories
"Para sa mga indibidwal na Sinopharm ang pangunahing bakunang natanggap, pwede na po kayong kumuha ng inyong booster shots," wika ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa state-run media.
"Nabigyan na po ito ng [EUA] ng [FDA] at guidance from our National Vaccine Operations Center."
- Sinopharm booster kanino pwede ibigay?: Inirerekomenda ngayon bilang "homologous" booster ang Sinopharm. Hindi pa naman ito iminumungkahi bilang "heterologous" booster para sa mga nakatanggap ng ibang brand noon bilang primary series.
Ika-20 lang ng Enero nang sabihin ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na mag-antay na muna ang mga nakakuha ng Sinopharm bago mabigyan ng booster shots.
"Gayundin, maaari nang iturok ang Sputnik Light bilang booster shot matapos ang primary series doses," patuloy pa ni Vergeire.
- Sputnik Light booster kanino pwede ibigay?: Hindi pa pinapayagang ibigay ang Sputnik Light booster sa mga nakakuha ng primary series mula sa parehong brand. Gayunpaman, pwede itong iturok sa mga nakakuha ng sumusunod sa first at second dose: AstraZeneca, Moderna, Pfizer, Sinovac
Bawal sa buntis, nagpapasusong ina
Sa kabila ng pagpayag na ito ng FDA sa paggamit ng Sinopharm at Sputnik Light bilang boosters, bawal pa itong ibigay sa ilang nanay.
"Nais po naming ibigay diin ng DOH na hindi po pwedeng i-booster sa mga buntis at nagpapasusong ina ang Sinopharm at Gamaleya Sputnik," dagdag pa ng DOH official kanina.
"Paalala lang [din] po na ang eligible pa lamang sa ating booster shots ay ang mga 18-years-old at pataas."
Nabanggit ng DOH ang nasa itaas ngayong pinapayagang maturukan ng COVID-19 vaccines ang mga edad 12 hanggang 17 taong gulang gamit ang Moderna at Pfizer primary series.
Samantala, kasado na para sa ika-4 ng Pebrero ang pagbibigay ng Pfizer COVID-19 vaccines sa mga 5-anyos pataas.
Pagitan ng una, ikalawang dose pinaiksi
Pinaiksi naman na ang pagitan ng una at ikalawang dose ng primary series vaccines sa Pilipinas — depende sa brand na ibinigay sa isang tao.
Dati kasi ay mahaba ang interval bago mabigyan ng second dose ang mga nabigyan ng AstraZeneca bilang unang turok, literal na ilang buwan.
Ngayon, maaari nang ibigay ang second dose ng AstraZeneca kahit na 28 araw pa lang ang nakalilipas.
? Paano ako magpapa-rehistro?
Bisitahin ang https://t.co/Bomlo3wayV para sa iba pang impormasyon ukol sa mga bakuna kontra COVID-19 sa Pilipinas! #RESBAKUNA#BIDABakunation#BIDASolusyonPlus pic.twitter.com/alAu2E3q4c— Department of Health (@DOHgovph) January 28, 2022
Aabot na sa 3.49 milyon ang nahahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas, ayon sa huling datos ng Kagawaran ng Kalusugan nitong Huwebes. Sa bilang na 'yan, patay na ang 53,736 katao.