Guanzon bumoto para sa DQ ni BBM
MANILA, Philippines — Inilabas na kahapon ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon ang boto niya na pumapabor para idiskuwalipika si dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pampanguluhang halalan sa Mayo 9.
“Ang boto ko is-DQ (disqualify) si Marcos Jr. Sa tingin ko may moral torpitude talaga based on evidences and the law,” pahayag ni Guanzon sa 24 Oras.
Kabilang si Guanzon sa First Division ng Comelec na humahawak sa disqualification case laban kay Marcos Jr. na isinampa ng Akbayan Party, paksyon ng Pardito Federal ng Pilipinas (PFP) at ng isang Bonifacio Ilagan.
Pinangunahan ni Guanzon ang preliminary hearing sa tatlong kaso ng diskuwalipikasyon laban kay Marcos Jr. pero magreretiro siya sa darating na Pebrero 2.
Inihayag ni Guanzon na kaniya nang isinumite ang kaniyang boto sa mga kaso nitong Enero 7 dahil iyon ang napag-usapan nila ng dalawa pang komisyuner na kasama sa First Division. Sa kabila nito, naaantala ang paglalabas ng desisyon ng First Division.
Naniniwala si Guanzon na tila sinasadya ang pagpapatagal sa pagpapalabas ng boto hanggang sa magretiro na siya. May natanggap siyang impormasyon na sadyang may nakikialam sa kaso.
Iginiit niya na hindi ito mangyayari dahil sa isinumite na niya ang kaniyang hiwalay na opinyon sa lahat ng komisyuner maging sa chairman ng Comelec. Nasa rekord na umano dapat ang kaniyang boto.
Hindi pa naman nagbigay ng pangalan si Guanzon sa taong nakikialam sa komisyon ngunit nagpahiwatig siya na maaari niyang ibulgar ito sa darating na Lunes.
- Latest