COVID-19 cases sa 'Pinas humataw sa 3.49 milyon; patay tumuntong sa 53,736
MANILA, Philippines — Muling tumalon ang bilang ng bagong nahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas sa bilang na 18,191, dahilan para umabot na ang total local infections sa halos tatlo't kalahating milyon.
Mas marami naitalang bagong kaso ng nakamamatay na virus kaysa sa bilang kahapon na nasa 15,789, bagay na tumatapos sa limang-sunod na araw na pagbaba ng mga bilang.
- total cases (3,493,477)
- bagong kaso (18,191)
- total deaths (53,736)
- kamamatay lang (74)
- aktibong kaso (226,521)
"Of the 18,191 reported cases today, 17,625 (97%) occurred within the recent 14 days (January 14 - January 27, 2022)," paliwanag pa ng Department of Health (DOH) sa isang pahayag, Huwebes.
Karamihan sa mga kasong ito na nangyari sa nakalipas na dalawang linggo ay nagmula sa:
- CALABARZON (2,101)
- National Capital Region (2,073)
- Davao Region (2,011)
Sa 74 na bagong namatay, 69 ang sinasabing nangyari ngayong 2022 habang dalawa naman ay mula pa noong 2021. Ang dalawa pang natitira ay noong 2020 pa nangyari bilang parte ng late encoding: "This issue is currently being coordinated with the Epidemiology and Surveillance Units to ensure information is up to date," paliwanag pa ng Kagawaran ng Kalusugan.
"37 duplicates were removed from the total case count. Of these, 17 are recoveries and 2 are deaths," paglilinaw pa nila.
"Moreover, 26 cases that were previously tagged as recoveries were reclassified as deaths after final validation."
Kapansin-pansing mataas-taas din ang naitalang fresh recoveries ngayong araw, na siyang umabot sa 22,014. Parte lamang 'yan ng 3.21 milyong gumaling na sa COVID-19 sumatutal sa bansa.
Ngayong araw lang nang ibalita ng DOH na umabot sa 618 ang bagong kaso ng mas nakahahawang Omicron variant sa Pilipinas, bagay na bumubuo sa 91.29% ng kabuuang latest batch ng whole genome sequencing (677).
Nangyayari ang lahat nito kasabay ng pagkakadiskubre ng parehong BA.1 at BA.2 sub-lineages ng Omicron variant, ang huli tumutukoy sa "stealth" variant nito. — James Relativo
- Latest