MANILA, Philippines — Hindi muna dapat itapon ang mga ‘face shields’ dahil sa kakailanganin pa ring isuot ito ng mga botante na dadagsa sa tinatayang 105,000 voting precincts sa National at Local Elections sa Mayo 9, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
“We are looking at 105,000 precincts. That is up from only around 80,000 nung nakaraang halalan 2019,” ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez.
Tulad ng mga nagdaang halalan, gagamitin pa rin ng Comelec ang mga silid-aralan sa mga pampublikong paaralan bilang mga presinto. Magpapatupad naman umano sila ng mahigpit na social distancing para hindi maging ‘super spreader’ ng virus ang halalan.
“‘Di kayo papayagan bumoto nang hindi kayo naka-face mask and unfortunately nang hindi kayo naka-face shield,” saad ni Jimenez.
Inaasahan naman ng komisyon na marami ang magrereklamo sa pagpapasuot ng face shield ngunit habang hindi ito tinatanggal ng mga komisyuner sa panuntunan ay kailangan umano itong sundin.