Bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas lalong bumaba sa 15,789
MANILA, Philippines — Tuluy-tuloy sa paghupa ang bilang ng sariwang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, matapos nitong lalong madulas patungong 15,789, ayon sa Department of Health ngayong Miyerkules.
Mas mababa ang new confirmed cases ngayong araw kumpara sa 17,677 noong Martes. Ito na ang ikalimang sunod na araw na hindi tumataas ang bilang ng bagong infections sa bansa.
- total cases (3,475,293)
- bagong kaso (15,789)
- total deaths (53,664)
- kamamatay lang (66)
- aktibong kaso (230,410)
"Samantala ay mayroon namang naitalang 32,712 [bagong] gumaling," dagdag ng DOH, dahilan para tumalon na sa 3.19 milyon sumatutal ang mga COVID-19 recoveries locally.
Mababa man ang mga bagong datos sa new infections, tatlong laboratoryo pa ang hindi nagsumite sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).
Sa 15,789 reported cases ngayong araw, nasa 95% nito ay nangyari sa nakalipas na 14 araw. Karamihan sa mga nabanggit ay nagmula sa:
- Region 4-A (2,248)
- National Capital Region (2,135)
- Central Visayas (1,520)
Sa 66 na bagong naitalang patay dahil sa COVID, 65 at nangyari ngayong 2022 habang ang isa naman ay noong Agosto 2021 pa. Paliwanag ng DOH, ang late encoding ay sanhi ng problema sa COVIDKaya.
Nangyayari ang lahat ng ito kahit na natagpuan na ang "stealth" Omicron variant sa Pilipinas.
Sinasabing mas nakahahawa kumpara sa karaniwan ang Omicron variant, na siyang pumapatay na sa limang katao sa Pilipinas. — James Relativo
- Latest