MANILA, Philippines — Nadagdagan pa ng tatlo ang namatay sa mas nakahahawang COVID-19 Omicron variant sa Pilipinass, dahilan para umabot na ito sa lima.
Ang balita ay kinumpirma sa media ng Department of Health, Miyerkules. Karamihan sa kanila ay senior citizens, unvaccinated at partially vaccinated pa lang. Lahat ay may mga dati nang karamdaman.
Related Stories
"As per verification, we have [five] recorded deaths. [Three] are seniors and all have comorbidities," ani Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa mga reporter.
"[One is] partially vaccinated, [one] unvaccinated, and the remaining [three] are still for verification."
Ang tatlo ay napag-alaman matapos magsagawa ng pinakahuling sequencing run, bagay na ginagamit upang maobserbahan ang pagdami ng sari-saring COVID-19 variants of concern sa bansa.
Hindi pa naman nagbibigay ng detalye ang DOH kung taga-saan ang tatlong bagong namatay mula sa kinatatakutang variant, na sinasabing nakaapekto sa biglaang pagsirit ng COVID-19 cases matapos ang holiday season.
Martes lang nang sabihin ni Vergeire sa isang briefing na ilalabas nila ang kumpletong datos pagdating sa pinakabagong genome sequencing run.
Sinasabing ilang beses na mas nakahahawa sa mas nakahahawa na ngang Delta variant ang Omicron.
Kahapon lang nang sabihin ng Kahawaran ng Kalusugan na nakarating na ang BA.1 at BA.2 sublineages o "Stealth Omicron" sa lahat na ng mga rehiyon sa bansa
Ani Vergeire, madalas ang BA.1 sublineage sa mga balikbayang Pilipino at sa Region 5 habang ang BA.2 naman ay karaniwang naoobserbahan sa mga lokal na kaso sa lahat ng dako ng bansa.
Binigyan ng pangalang "stealth" ang mga nabanggit na Omicron variant dahil sa katangian nitong mas mahirap matukoy gamit ang gold standard na RT-PCR testing.
Una nang sinabi ng ilang vaccine makers na imo-modify nila ang kanilang mga bakuna para makahanap ng mas akmang solusyon sa pagsagupa sa Omicron variant.
Kaugnay ng pagsisikap ng gobyerno laban sa pagkalat ng COVID-19, nakatakdang magsimula ang COVID-19 vaccination ng mga bata edad lima hanggang 11 simula ika-4 ng Pebrero. Disyembre pa nang aprubahan ng Food and Drug Administration ang gamot ng Pfizer para sa naturang age group.
Aabot na sa 3.45 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas, ayon sa mga pinakabagong datos nitong ika-25 ng Enero. Patay na ang 53,598 sa mga nabanggit.