MANILA, Philippines — Kinumpirma na kahapon ng Department of Health (DOH) na natukoy na nila ang BA.1 at BA.2 sublineages o ‘Stealth Omicron’ sa lahat na ng mga rehiyon sa bansa.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na pinaka-komon ang BA.1 sublineage sa mga balikbayang Pilipino at sa Region 5 habang ang BA.2 sublineage naman ay karaniwang makikita sa mga lokal na kaso sa lahat ng rehiyon.
Ngunit kinalma ni Vergeire ang publiko sa naturang mga sublineages dahil wala umanong nakikitang malaking pagkakaibang klinikal sa pagitan ng naturang mga sublineages sa orihinal na Omicron variant.
Sinabi pa ng opisyal na kinikilala na ang BA.1 bilang dominanteng sub-lineage sa buong mundo pero dumarami na rin ang natutukoy na kaso ng BA.2 sa iba’t ibang bansa.
Tinagurian ang naturang sublineage na ‘Stealth Omicron’ dahil sa katangian nito na mas mahirap matukoy kahit gamit ang ‘gold standard’ na RT-PCR testing.
Dahil dito, naniniwala ang mga eksperto na maaaring mas mabilis itong kumakalat sa buong mundo ng hindi napapansin ng mga health experts.