MANILA, Philippines — Pabor umano si senatorial aspirant at Sorsogon Gov. Chiz Escudero sa paggamit ng lahat ng posibleng opsyon sa pagpapaunlad ng plano para sa enerhiya upang masiguro na magkakaroon ang bansa ng pangmatagalang suplay ng naaangkop, ligtas, at abot-kayang kuryente.
Sa isang senatorial forum noong Linggo, sinabi ni Escudero na dapat hanapin, pag-aralan, at gamitin ang lahat ng maaaring panggagalingan ng kuryente, kabilang ang nuclear energy, upang makamit ang seguridad sa enerhiya nang hindi binabalewala ang kaligtasan ng publiko at hindi na makadaragdag pa sa mga pasanin ng mga mamamayan.
“Neutral ako sa teknolohiya. Technology neutral pero ang importante lamang na ligtas ito, kayang bayaran ng sambayanang Pilipino, at makakatugon sa problema, sa krisis, enerhiya ng ating bansa,” pagbibigay-diin ni Escudero nang tanungin kung pabor ba siya sa pagbuhay sa Bataan Nuclear Power Plant (BNPP).
Subalit sinabi ng beteranong mambabatas na ang paggamit ng nuclear energy ay hindi lamang dapat matali sa BNPP at maaaring tingnan ang ibang pagpipilian, kabilang ang pagtatayo ng isang bagong pasilidad kung ito’y ligtas at pabor sa kapakinabangan ng mga Pilipino.
Sa napipintong muling pagbubukas ng ekonomiya at pagbabalik na rin ng iba pang sektor, inaasahan ang lalong pagtaas ng pangangailangan para sa elektrisidad at langis kung kaya dapat aniyang paghandaan ito ng susunod na administrasyon, lalo’t malapit na ring masaid ang balon ng Malampaya gas field.