Chiz: Lokal na industriya ng pangingisda, dapat tulungan
MANILA, Philippines — Dapat na unahin ng pamahalaan ang pagpapalakas sa lokal na industriya ng pangingisda at tulungan itong makasabay sa kompetisyon kaysa importasyon upang matugunan ang pinapangambahan nitong kakulangan ng isda at kung gusto ring masiguro na magtutuloy-tuloy ang suplay nito.
Ito ang inihayag kahapon ni Sorsogon Gov. Chiz Escudero sa harap ng pag-anunsiyo ng Department of Agriculture (DA) na mag-aangkat ito ng 60,000 metriko tonelada ng isda dahil kukulangin nito ang bansa sa unang tatlong buwan ng taon.
Nangangamba si Escudero na baka matulad ang mga mangingisda sa sinasapit ng mga magsasaka ng gulay na naaapektuhan ang kabuhayan at kita dahil sa pagbaha sa pamilihan ng mga inilulusot na produktong agrikultura galing ibang bansa.
Ayon kay Escudero, maaapektuhan ang halos 1.6 milyong mangingisda at manggagawa sa industriya dahil sa pagbukas ng Pilipinas sa pagpasok ng mga isda at iba pang produktong dagat galing ibang bansa.
“Dapat last resort lang ang importasyon ng anumang produkto, kasama na ang mga isda. Ang higit na kailangan ng bansa ay permanenteng programa upang magkaroon ng direksyon ang industriya ng pangingisda. Huwag tayong tumaya sa importasyon kapag may kakulangan sa suplay, doon tayo sa pangmatagalang solusyon na may kasigurahan,” pagbibigay-diin ni Escudero na tumatakbo para sa Senado.
- Latest