MANILA, Philippines — Positibo si 2nd District Albay Rep. Joey Salceda, na magsisilbing susi sa mabilis na pagsulong ng ekonomiya ng bansa ang isang pamumuhunan na pinalakas ng masaganang agrikultura.
Ito’y sa kabila ng pananaw ng International Monetary Fund (IMF) na magkakaroon ng “economic turbulence” o kaguluhan sa ekonomiya ng mga bansang bumabangon gaya ng Pilipinas sanhi ng pagbabago sa mga panuntunan sa pananalapi ng Estados Unidos gayundin dulot ng pagsirit ng Covid-19 Omicron virus.
Ayon kay Salceda, isang respetadong ekonomista, sa kabila ng pagtaya nina IMF economists Stephan Danninger, Kenneth Kang at Helene Poirson sa pahayag ng mga ito sa online hinggil sa isyu ng “Emerging Economies Must Prepare for Fed Tightening” ay iginiit ng solon na kailangang gawin ang akmang panuntunan ng mga lider ng bansa batay sa mga hamong kinakaharap gayundin sa pasya ng US Fed.
“Patuloy na babangon ang pangdaigdigang ekonomiya ngayon at sa susunod na taon, ngunit mananatiling matindi ang panganib na dulot ng pandemya na maaaring sumabay pa sa mabilis na paghihigpit ng sinturon ng US Fed, kaya dapat handa ang ibang mga bansa sa mga kaguluhang maaaring maganap,” mariing babala ng IMF.
Bilang tugon sa naturang babala, sinabi ni Salceda na Chairman ng Committee on Ways and Means, na dapat dagdagan ng Pilipinas ang pamumuhunan sa agrikultura dahil ang lakas at tibay ng naturang sektor ang batayan ng ‘ínflation’ o pagmahal ng mga bilihin at gastusin.