MANILA, Philippines — Isusulong ni Senatorial candidate at Sorsogon Gov. Chiz Escudero ang isang batas na naglalayong gumawa ng isang komprehensibong “pandemic and all-hazard preparedness plan” upang mapalakas ang kapasidad at kakayahan ng pamahalaan sa pagtugon at paghawak sa mga public health emergency tulad ng nangyayari ngayong COVID-19 pandemic.
Ayon kay Escudero, ang kanyang panukala ay katulad ng isinulong sa Senado ng yumaong Sen. Mirriam Defensor-Santiago walong taon na ang nakalilipas bilang paghahanda sa anumang mangyayari pandemya o di kaya’y sakuna o emergency.
Nilalaman ng Senate Bill No. 1573 ni Santiago noong 2013 ang pagpapalakas sa kapasidad at kakayahan ng Research Institute for Tropical Medicine at sa Surveillance Disease Section ng Department of Health.
Nilalayon din nito ang pagkakaroon ng National Health Strategy for Public Health Emergencies at ang pagbuo ng isang Task Force on Public Emergencies na pangunahing mamahala sa pagtugon at pagkilos ng bansa laban sa anumang pandemya o sakuna.
“Kailangan natin ang batas na iyan nang sa gayun ay maging handa tayo at mauna tayo pagdating sa kaalaman at paghahanda kung may darating man na susunod pa na pandemya,” pagbibigay-diin ni Escudero.