DOH: Community transmission ng Omicron sa Metro Manila, kumpirmado
MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ng Department of Health (DOH) na may community transmission na sa Metro Manila ng mas nakahahawang COVID-19 Omicron variant.
Sa public briefing, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na may natukoy nang local cases ng variant of concern sa National Capital Region (NCR).
Ayon sa World Health Organization (WHO), masasabing may community transmission kapag ang mga koneksyon sa pagitan ng local infections ay hindi na makita sa pamamagitan ng positive test results ng routine sampling.
“Dito po sa National Capital Region, we are seeing the community transmission nitong Omicron variant.
Bagama’t hindi po nakakahabol ang ating genome sequencing, we already have determined that there are local cases already,” paliwanag ni Vergeire.
“Sa nakikita nating trend ngayon, ito po ’yung characteristic talaga ng Omicron variant, na mabilis na pagkalat, ’yung very steep rise in the number of cases . . . And doubling time po na every 2 days,” dagdag niya.
Ang naitalang daily cases sa nakaraang linggo na nag-average rin ng 17,124, ay mahigit sa doble ng 6.500 average number of cases sa naunang linggo.
Sa NCR na may 149,000 active COVID-19 infections, ay halos kalahati na sa kabuuang active cases ng buong bansa.
Nakikitaaan din ng pagtaas ng mga bagong kaso sa iba pang rehiyon, na malamang ay dulot din ng Omicron variant.
Bukod sa Metro Manila, Calabarzon, Central Luzon, Western Visayas, Eastern Visayas, Bicol Region ay nakikitaan na rin ng pagsipa ng mga kaso sa 2-linggong growth rate.
Maaring may panahon na ang Omicron strain ay mapalitan na ang Delta bilang dominant variant sa bansa.
- Latest